SMCB, Nagningning sa Spoken Poetry Competition; Mga Kinatawan, Nagwagi

Matagumpay na kinatawan ng St. Mary’s College of Baliuag, Inc. (S.M.C.B.) ang paaralan sa Spoken Poetry Competition ng Baliwag City Private Schools Association (BaCiPriSA) Meet 2026 na ginanap noong Okt. 7 sa Saint Jean Baptist Academy (S.J.B.A.).

Sa Faculty Level, muling nakamit ni Bb. Althea Manalaysay ang ikatlong puwesto, habang sina Andrew Benhart Nebab ng Senior High School (S.H.S.) at Luis Alexander Viernes ng Junior High School (J.H.S.) ay nagwagi ng ikalawang pwesto.

Ipinakita ng mga kalahok ang kanilang talento sa masining, makabuluhan, at mapanghikayat na pagbigkas ng spoken poetry, na nagsilbing entablado para sa pagpapahayag ng kanilang mga saloobin, karanasan, at malikhaing pananaw.

Ibinahagi ni Bb. Manalaysay na bukod sa paghahanda ng kaniyang piyesa, binalikan din niya ang kaniyang karanasan sa kompetisyon noong nakaraang taon upang maging mas handa sa muling pagharap sa entablado.

“Aside from preparing my own piece, I really looked back sa naging laban ko last year, and that was my way of composing myself to be ready for this contest,” ani Bb. Manalaysay.

Aminado rin siyang nakaramdam siya ng matinding kaba habang nasa entablado, lalo na at kapwa mga guro na mahuhusay sa spoken poetry ang kaniyang mga katunggali. Sa kabila nito, nagpatuloy siya hanggang sa matapos ang kaniyang pagtatanghal.

Hindi rin inaasahan ni Bb. Manalaysay na muli siyang makapapasok sa mga nangungunang puwesto. Aniya, bago pa man ang announcement of winners, hindi na niya inakalang makapapasok kahit sa ikatlong puwesto dahil sa husay ng mga naunang kalahok.

“I am not expecting even the 3rd place. But I am grateful to be placed as 3rd again,” dagdag niya.

Samantala, para kay G. Nebab, malaking bahagi ng kaniyang paghahanda ang paulit-ulit na pag-eensayo upang higit na mapahusay ang kaniyang pagsulat at delivery. Aminado siyang dalawang araw pa lamang bago ang kompetisyon ay matindi na ang kaniyang kaba, ngunit pinili niyang harapin ito at ibigay ang kaniyang buong makakaya.

Sa kaniyang pagtatanghal, inilarawan ni G. Nebab ang kaniyang karanasan bilang tila “magic” dahil unti-unting nawala ang kaniyang kaba nang makaharap na niya ang mga hurado at kapwa manunula. 

Sa halip na ituon lamang ang kaniyang isip sa pagkapanalo, naging mahalaga rin sa kaniya ang pagkakataong maipahayag ang kaniyang matagal nang pagkahilig at passion sa spoken poetry.

“Do it for the younger Benhart,” ang naging paalala niya sa kaniyang sarili bago humarap sa entablado—isang paalala na ang kaniyang pagtatanghal ay hindi lamang para sa kompetisyon, kundi para din sa batang bersyon ng kaniyang sarili na matagal nang nahuhumaling sa spoken poetry.

Bagama’t layunin ni G. Nebab na muling makamit ang unang puwesto, sinabi niyang ginawa lamang niya ang lahat ng kaniyang makakaya at ipinaubaya na sa resulta ang magiging bunga ng kanilang paghahanda.

Samantala, ibinahagi ni G. Viernes, kinatawan ng J.H.S. Level, na naging mahalaga sa kaniyang paghahanda ang gabay ni Bb. Manalaysay. Paulit-ulit siyang nagpraktis at pinagtuunan ng pansin ang delivery at paraan ng pagbigkas upang maging mas kumpiyansa sa entablado.

Matindi rin ang kaba na kaniyang naramdaman bago at habang nagsisimula ang pagtatanghal, ngunit kalaunan ay napalitan ito ng excitement at saya habang ipinagpapatuloy ang kaniyang performance.

Bagama’t may kaunting pag-asang manalo si G. Viernes dahil sa kaniyang paghahanda, hindi niya hinayaang maging sentro ng kaniyang pagtatanghal ang resulta. Sa halip, pinili niyang ibigay ang kaniyang pinakamahusay, maipakita ang kakayahan ng S.M.C.B., at higit sa lahat, ma-enjoy ang kaniyang pagtatanghal.

Ipinamalas nina Bb. Manalaysay, G. Nebab at Viernes ang talento, paghahanda, determinasyon, at tapang na kinakailangan upang maihatid nang mahusay ang isang piyesang spoken poetry. 

Sa kanilang paglahok at tagumpay, muling naipakita ng mga kinatawan ng S.M.C.B. ang husay at malikhaing tinig ng Ignacian Marian community.

Leave a Reply

Discover more from The Marynette

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading