Isandaan, Sampung Buwan, at Kung Ano Ang Naiwan

Disenyo ni Erizha Jane Santos

Katulad ng mga pangkaraniwang nobela, gaano man kahaba o karami ang mga sanga-sangang kuwentong nakapaloob dito, nagtatapos pa rin ang lahat sa isang bantas.

Isandaan.

Halos isandaang bituin ang nanahan sa malawak na kalawakan ng pagmulat. Isandaang tala na sa pagitan ng pagkakaiba-iba ay piniling maging isa sa layuning buhayin ang nananahimik na pakikibaka. Halos isandaan ang mga bituin, ang mga tala, na piniling magningning kasabay ng pag-asang maging tanglaw sa dilim.

Sampung Buwan.

Isang taong pampanuruan ang iginugol. Maaaring maikli ang panahon ngunit masasabi kong sapat ang mga araw na inilaan sa pagtupad ng tungkuling labas sa obligasyong nakaatang sa loob ng silid-aralan. Maikli ang panahon ngunit hindi ang mga kuwentong inilimbag sa gitna ng mga gabing mas piniling gugulin kahit pa sandali nitong ninakaw ang oras na sana’y nakalaan na lamang sa paghimbing.

Mabilis natapos ang sampung buwan. Maaaring mababawasan ang isandaang bituin. Subalit sa pagitan ng mga ‘di tiyak na numero at limitadong panahon, may nag-iisang talang patuloy na magniningning.

At kung ano ang naiwan? Alaala.

Mga alaala ng pakikibaka na magsisilbing pundasyon upang patuloy na pagyabungin at isulong ang layunin ng pagmulat at pamamahayag.

Mga alaala ng pagmulat na magsisilbing palatandaan na kailanma’y hindi natatapos sa sampung buwan ang layuning gisingin ang bayan.

 At para sa mga matatapang na bituing piniling maging tinig ng pakikibaka, maraming salamat sa pagsama. Maraming salamat sa pagbabahagi ng talento at kakayahan nang walang hinihintay na anumang kapalit. Maraming salamat sa muling pagbuhay, sa pinagsama-samang ningning upang muling pag-alabin ang layuning nakakabit sa bawat pantig na bumubuo sa katagang “pamamahayag.”

Katulad ng mga pangkaraniwang nobela, gaano man kahaba o karami ang mga sanga-sangang kuwentong nakapaloob dito, nagtatapos pa rin ang lahat sa isang bantas—tuldok.

Nagtatapos pa rin ang lahat sa kinatatakutan kong tuldok. Oo, maaaring para sa akin ay nakatatakot ang mga tuldok sapagkat hindi ako handa. Ngunit patuloy akong maniniwala na sa bawat pagtatapos ng kabanata, patuloy na magbubukas ang panibagong aklat na magsisilbing mukha ng tangan nating layunin: PAGMULAT, PAGLABAN, PAKIKIBAKA.

Para sa mga minamahal kong mamamahayag, The Marynette Batch 2025-2026, mahal ko kayong lahat! Patuloy akong sasaludo sa ipinakita ninyong tapang, talino, puso, at serbisyo!

Leave a Reply

Discover more from The Marynette

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading