The International Criminal Court (I.C.C.) has given prosecutors permission to use a previously recorded statement from a witness in the murder and crimes against humanity trial of Former President Rodrigo Roa Duterte (F.P.R.R.D.). In a ruling released on Oct. 2, Trial Chamber III agreed to the prosecution’s request to submit the written testimony of a…
Libro Ako, Tayo
Layout by Zean Albert Cua
Ang mundo ay isang silid-aklatan; ang bawat tao ay isang libro.
Naniniwala ako na ang bawat pangalan ay pamagat ng isang kuwentong nagsisimula sa sandaling isinilang ito. Iba-iba ang tauhan, tagpuan, at banghay, ngunit pare-parehong may lalim at kahalagahan. Hindi ba’t kay gandang isipin na ang bawat kaluluwang nakasasalubong mo ay may istoryang patuloy na isinusulat sa bawat yapak nila?
Kung iisipin, walang magbabasa ng libro kung hindi maganda ang nilalaman nito. Bata pa lamang ako, ipinaiintindi na sa akin na mas mahalaga ang panloob kaysa sa panlabas, ngunit sa aking karanasan, pareho silang mahalaga sa pagtanggap ng iba.
Siguro, ito ang tampo ko sa mundo. Gaano kakulay dapat ang pabalat ko upang piliing basahin ako ng iba?
Hindi naman siguro patapon ang nilalaman ko upang walang magtangkang sisirin ang lalim ng bawat pangungusap ko. Kung ang iba nga, pangalan pa lamang ay nakapupukaw na ng mata, bakit ‘pag ako, iba yata?
Maraming tao na ang nagdaan sa bawat kabanata ng buhay ko. Gayon man, wala pa yatang nagkakainteres na tapusin ang buong kuwento. Ang iba, hindi pa man nabubuksan ang unang pahina, mayroon nang pasiya kung anong klase ng tao ako. Hindi yata nila alam na may lalim ang akala nila, kaya kay babaw na ako.
Sa rami ng tanong ko, minsan naiisip ko na lamang na baka hindi lang talaga sila handang alamin ang pagkatao ko. O kaya naman baka hindi pa nila alam kung saan patungo ang sarili nilang kuwento.
Ngunit bilang isang kaibigan na handang ubusin ang oras ko upang unawain ang iba, masakit ang ganitong mga hinuha.
Baka naman may darating na tamang indibidwal. Hindi lang magsisilbing mambabasa, kundi magiging tauhan pa sa libro kong kay haba. ‘Yong sasamahan ako sa bawat tagpuang aking kahahantungan. ‘Yong tutulong sa akin na buuin ang banghay ng buhay ko. Ngunit siguro, hindi pa sa kabanatang ito.
Ang bawat tao ay libro. Ikaw, may masugid na bang mambabasa ng libro mo?
