Lihim na patalim

Aninong bilog, nakasalalay rito ang ating pagyabong.

Sa bawat balotang ating binibilugan, hindi lamang kandidato ang ating pinipili kundi ang direksiyon ng ating kinabukasan.

Sa tuwing sasapit ang halalan, muling lumilitaw ang malaking suliranin ng ating demokrasya—ang vote buying o pagbili ng boto.

Sa makitid na eskinita, may kumakatok sa bawat bahay. Hindi dala ang plataporma, kundi puting sobre at matatamis na pangako—na unti-unti ring pumapait sa paglipas ng panahon.

Sa simpleng barya, perang papel, o anumang materyal, kapalit ang sagradong boto ng mga mamamayan. Ngunit sa mga panahong ito, marami ang natutukso, lalo na ang mga kapos, gipit, at hirap sa buhay. Ngunit lagi akong napapaisip: Hanggang kailan ba tayo mapipiit sa lihim na patalim?

Ang boto ay hindi lamang isang papel na ating sinusulatan upang maihalal ang taong magiging tagapamuno ng ating bayan. Ito ang karapatan at kapangyarihan ng bawat mamamayan upang pumili ng pinunong maglilingkod, magiging boses, at aako sa responsibilidad para sa ating bayan.

Kapag ito ay naipalit sa pera o materyal na bagay, nawawalan ng saysay at halaga ang tunay na demokrasya ng ating bansa. Sa ilang pagkakataon, natatabunan ng salapi ang kredensyal at plataporma ng ilang mga kandidato.

Ayon sa Presidential Anti-Corruption Commission (PACC), ang sinumang kandidatong lumabag sa ilalim ng Batas Pambansa Blg. 881, Seksyon 261, o Omnibus Election Code, ay maaaring mahatulan ng isa hanggang anim na taong pagkakakulong at hindi maaaring sumailalim sa probasyon.

Sa kabilang banda, para sa akin, ang pagbili ng boto ay hindi lamang kasalanan kundi isa itong krimeng mas masahol pa sa pagnanakaw sa kaban ng bayan.

Kung tutuusin, hindi lamang boto ang binibili sa paraang ito; binibili rin ang integridad at prinsipyo ng mga mamamayan kapalit ng kakaunting pera.

Sa huli, maaaring naibsan man ang ating pangangailangan sa pansamantalang panahon, ngunit ang kapakanan at kinabukasan ng ating bayan ang siyang naaapektuhan dahil sa pagbili ng boto.

Sa panahong ito, kapag namulat na sa katotohanan, kasalanan na ang mapuwing at pumikit. Panahon na upang magising sa bangungot na alam naman nating kaya nating wakasan.

Naninindigan akong tayo ang may hawak ng ating kapakanan. Sa tama at tapat na pagboto, tiyak na walang kakapit sa lihim na patalim.

Leave a Reply

Discover more from The Marynette

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading