Mga kaduda-dudang pangalan, maaari pang lumitaw sa impeachment trial ni B.P. Duterte – Deputy Speaker Ortega

Maaaring lumitaw pa ang mga pangalang kaduda-duda o gawang kathang-isip lamang na nakalista bilang mga recipient sa mga resibong nakaugnay sa paggastos ng mga confidential funds ni Bise Presidente (B.P.) Sara Duterte habang nagpapatuloy ang kaniyang impeachment trial, ani ni Deputy House Speaker Paolo Ortega noong Linggo.

Isinalang bilang testigo ng prosekusyon ang state auditor at pinuno ng opisina ng Confidential Funds Audit ng Commission on Audit (COA) Xylene Mae Del Ocampo, na siyang magpapatuloy sa pagtalakay sa naging pagsusuri sa mga confidential funds na ginamit ng Office of the Vice President (O.V.P.) at Department of Education (DepEd), kabilang na kung maibeberipika ba ang mga nakatalang recipient.

“There is no denying that Mary Grace Piatos is truly the most prominent one, but the others—like Chippy McDonald and Miggy Mango—might be next in line,” wika ni G. Ortega sa isang panayam.

“Let’s stay tuned, as our prosecutors have their own strategies for this; I’m sure they will discuss it,” dagdag niya.

Inihayag din ni pribadong taga-usig Lorna Kapunan na ang iilan sa mga pangalang nakasaad sa mga acknowledgement receipts na ihaharap ng prosekusyon ay nagmimistulang ‘fruit salad’.

Dagdag ni Atty. Kapunan, maaaring ito’y mga alyas, “These can be aliases, but these are really fictitious names.”

Sa isang hiwalay na panayam sa DZBB Radio, iginiit ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson na dapat sinuri ng C.O.A. ang mga pagkakakilanlan ng mga benepisyaryo sa mga naturang resibo.

“The Commission on Audit should have checked who Mary Grace Piattos, Patty Ting, and Andy Lim really were,” sabi ni Sen. Lacson.

Dagdag niya, karaniwan ang mga alyas sa mga kumpidensyal na operasyon pero iginiit na dapat na itinala pa rin ang kanilang mga tunay na pagkakakilanlan sa mga dokumento.

Kabilang sa mga inilabas na pangalan ng prosekusyon sa kasagsagan ng testimonya ni state auditor Roderick Wamil noong nakaarang linggo ay sina Mary Grace Piattos, Renan Piattos, Nova Santos, Mico Harina, Janice Marie Revilla, Patty Ting, Andi Lim, Alejandro Pikit, Feonna Biong, Sisfrunio Balsac, at Gabriel Bisaya.

Leave a Reply

Discover more from The Marynette

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading