Nakasusulasok na Panaginip

“Sapagkat walang sinuman ang magnanais na gawing basurahan ang kaniyang sariling tahanan.”

Ito ang mga salitang paulit-ulit na tumutugtog sa aking tainga. Nakabibingi, kaya’t ako’y napabalikwas sa mahimbing na pagtulog. At sa muling pagkurap, tuluyan nang naglaho ang katahimikan ng gabi at napalitan ng isang masangsang na tanawin.

Isang paraiso na minsa’y kanilang pinangarap ngunit unti-unting nilamon ng mga basurang tayo rin ang lumikha.

Hindi maikakaila ang umaalingasaw na lihim ng Sitio Tibag, Brgy. Naugsol, Subic, Zambales. Matagal nang namumuhay ang mga Aeta sa lugar na ito, kung saan sila’y sumibol at lumago. Hindi lamang ito isang simpleng lupain; ito ang kanilang pag-asa.

Habang ito’y aking pinagmamasdan ay nakita ko ang isa sa mga mahalagang saksi ng paraisong minsan nilang tinawag na tahanan.

Makabagbag damdaming isinalaysay ni Erlinda Capistrano, residente ng Sitio Tibag ang sinapit ng kanilang lupa na dati-rati’y payapa, malinis at buhay na buhay.

“Parang nagagalit po na hindi ko po maintindihan ang sarili ko po. Naawa din po ako sa lugar. Bakit ginanito po nila?”

Sa pagbitaw niya sa mga salitang iyon ay tila bumigat ang simoy ng hangin.

Batid sa kaniyang tinig ang bigat ng galit dahil sa nangyari. Naroon ang bakas ng panghihinayang—ang lumbay ng isang taong nasilayan ang unti-unting pagbabago sa kaniyang nakasanayan. Ang dating itinuring na tahanan na hindi na muli pang magiging bahagi ng kanilang pamumuhay.

“Masakit po sa damdamin.”

“Napakasakit po,” dagdag pa ni Erlinda.

At marahil wala nang salita pang makatutumbas sa sinapit ng kanilang lupain.

Bagkus bago pa man ang pagdating ng mga basurang iyon, may istorya na ang nakatanim na sa lugar na iyon.

May mga yapak nang tumapak dito. May mga pamilyang umasa at mga pagkaing ibinunga nito. Minsa’y isang pahingahan sa magulong isipan. May buhay.

Isa na lamang itong alaala.

Sa patuloy na paghakbang ng aking mga paa, itinuro ni Erlinda ang isang malaking bahagi ng lupain. Lupaing hindi na halos makilala mula sa dating anyo nito.

“Itong lugar na ito, bangin daw ito dati. Pero ngayon halos napatag na ’yung lupa kasi tinambakan nila nang tinambakan nang tinambakan ng basura.”

Tinambakan.

Isang salitang paulit-ulit nagpapanting sa aking tainga. Umaalingawngaw sa buong kabundukan.

Ang dating bangin ay halos napantayan na ng lupa. Ang dating luntiang tanawin ay ikinubli na ng mga nakalalasong basura. At ang lugar na marapat na nagbibigay buhay ay naging isang paalala ng kapabayaang hindi nila kailanman hiniling na dumating.

Masakit isipin na ang isang bagay na madaling mawalay sa ating paningin ay maaaring manatiling pasanin ng iba.

Itinatapon, kinokolekta at dinadala sa malayong lugar. Ngunit ang basura ay hindi nawawala. Sa Sitio Tibag, ito ang naging hantungan ng mga bagay na akala ng iba ay wala ng halaga pa.

Kasabay ng pagbunton ng mga basura ang mabilis na pagbabago sa takbo ng kanilang pamumuhay. Ang malakristal na kulay ng sapa ay hindi na gaya ng dati, at ang lupang minsang kumalinga ay nilamon na ng basura.

Sapagkat para kay Erlinda at sa kaniyang mga kababayan, ang lupang iyon ang kanilang kayamanan. Ang kanilang pinagmulan, tahanan at kabuhayan. Kaya’t sa bawat basurang bumabalot sa kabundukang ito, may bahagi ng kanilang paraiso ang ibinabaon.

“Sapagkat walang sinuman ang magnanais na gawing basurahan ang kaniyang sariling tahanan.”

Ito ang mga salitang paulit-ulit na tumutugtog sa aking tainga. Nakabibingi, kaya’t ako’y napabalikwas sa mahimbing na pagtulog.

Napapikit ako. Hindi pala ako nananaginip.

Muling nanumbalik ang katahimikan ng gabi ngunit hindi ko kailanman makalilimutan ang tanawing aking nasaksihan.

Ako’y namulat sa mapait na katotohanan.

At marahil, darating din ang panahong wala ng tahanan pa ang wawasakin ng kadiliman.

Leave a Reply

Discover more from The Marynette

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading