By Edilina Keithleen Barroga, Keith Candice Diño Marking the beginning of a month-long devotion, a program was held at the school quadrangle during the morning ceremony to officially launch the Month of the Holy Rosary. To start, the program began with a doxology led by the Salindayog Cultural Dance Troupe, setting a reverent tone for…
Pag-aaral nang walang kakulangan
Sa loob ng maraming taon, ang mga mag-aaral ay nagpapatuloy sa susunod na paksa nang hindi lubos na naiintindihan ang mga pangunahing kaalaman. Nasanay sila na may bagong aralin, pagkatapos ay lilipat na agad sa susunod na paksa nang hindi pa nauunawaan nang maigi ang kanilang unang pinag-aralan.
Kapag hindi nauunawaan ang isang pangunahing konsepto, nagiging mas mahirap para sa mag-aaral na matutuhan ang mga susunod na aralin na nakabatay rito. Sa paglipas ng panahon, ang maliliit na kakulangang ito ay nagiging mas malaking learning gap.
Samantala, ikinatuwa ni Education Secretary Sonny Angara ang Republic Act No. 12322, na nag-a-update sa isang probisyon ng Enhanced Basic Education Act of 2013 o RA 10533. Aniya, magbibigay-daan ang bagong batas na ito sa Kagawaran ng Edukasyon upang mapanatili ang mga pamamaraan ng pagtuturo na nakabatay sa ebidensya sa loob ng silid-aralan at sa karanasan sa aktwal na pagtuturo. Pinahihintulutan ng bagong hakbang na ito ang mga guro sa Science at Math na gumamit ng mastery-based learning o mga alternatibong pamamaraan na tinitiyak na lubos na mauunawaan ng mga mag-aaral ang konsepto bago sila magpatuloy sa susunod na antas.
Sa ganitong paraan, hindi lamang pagtatapos ng competency ang magiging layunin, kundi ang aktuwal na pag-unawa rito.
Ang bagong panukala, na naging batas noong Agosto 2, ay nag-aamyenda sa Seksyon 5, talata (g) ng RA 10533 sa pamamagitan ng pag-aalis ng nakasaad sa batas na “spiral progression” at pagbibigay ng mga pagkakataon para sa mga bagong pamamaraan o estratehiya sa pagtuturo at pagkatuto. Sa tuwing umaakyat ang isang mag-aaral sa bagong antas, nakasanayan na niyang muling talakayin ang mga paksang nagiging mas komplikado habang tumatagal. At diyan nagkakaroon ng problema: inaasahan ng mga guro na lubos na nilang naunawaan ang mga naunang paksa, ngunit ang katotohanan ay hindi pala nila ito lubos na naintindihan.
Sa pamamagitan ng bagong hakbang na ito, magiging mas madali para sa mga mag-aaral ang pag-aaral, at magkakaroon naman ng kalayaan ang mga guro na magturo gamit ang mga pamamaraang angkop sa kung paano umunawa ang mga mag-aaral.
Ayon sa datos mula sa Programme for International Student Assessment (PISA) na iniulat ng Organization for Economic Cooperation and Development (OECD), nagpapakita na ang mga estudyanteng Pilipino ay kabilang sa pinakamababa sa buong mundo, na may 16% lamang na nakaaabot sa baseline proficiency sa matematika at 23% sa agham. Sa ilalim ng bagong batas, sa halip na paulit-ulit ang mga paksa at mas humihirap, lubos na maiintindihan muna ng mga estudyante ang mga pangunahing kaalaman bago magpatuloy. Tinitiyak nito na bago harapin ang mas komplikadong materyal, natitiyak na naunawaan na ng lahat ang mga pangunahing kaalaman.
Ipinakikita ng datos na kailangang palakasin muna ang basic Mathematics at Science skills bago asahan ang pagganap sa mas komplikadong competencies.
Ayon kay Angara, ang update na ito ay tungkol sa pagpapanatili ng kakayahang umangkop na kailangan ng ating mga eksperto sa kurikulum at mga field officer upang matugunan ang mga kakulangan sa pagkatuto. Ang pokus ay nananatili sa katatagan sa ating mga paaralan at sa pagtiyak na ang mga estratehiya sa pagtuturo ay direktang nagpapabuti sa mga resulta ng mga mag-aaral. Sa pamamagitan ng bagong batas, sa wakas ay makakukuha na ang mga mag-aaral ng oras na kailangan nila bago magpatuloy.
Maganda na ang na-update na probisyong ito. Ngunit para magtagal ito, kailangang buuin ang pagkatuto batay sa kahusayan, hindi lamang sa nasasakupan. Dapat bigyan ng mas maraming oras ng mga paaralan ang mga mag-aaral pagdating sa pagkatuto. Bago lumipat sa susunod na paksa, dapat magsagawa ng pagsusuri ang mga guro upang malaman ang pag-unawa ng mga mag-aaral. Dapat maglaan ang mga paaralan ng hindi bababa sa 2-3 oras bawat linggo upang repasuhin ang mga aralin sa Matematika at Agham na nahihirapang intindihin ng mga mag-aaral.
Bukod pa riyan, dapat ding paglaanan ng oras ang mga mag-aaral na lumiliban sa klase upang irepresenta ang paaralan sa iba’t ibang larangan ng kompetisyon, dahil doon nasusukat ang tunay na pagkilala at pagpapahalaga sa mga delegadong estudyante. Sa ganitong paraan, mahahabol ng bawat mag-aaral ang maraming paksang nahihirapan silang maunawaan at mababawasan ang mga kakulangan sa pagkatuto.
Para sa mga lumiliban dahil sa kompetisyon, dapat magkaroon ng nakatakdang catch-up sessions upang hindi sila mahuli sa mga competency na kanilang napalampas.
Karapat-dapat ang bawat mag-aaral na makasabay nang walang naiiwanang kakulangan. Kapag binigyan ng oras ang mga mag-aaral para makaunawa, binibigyan natin sila ng kinabukasang hindi na nila kailangang habulin pa. Ang bagong hakbang na ito ay hindi lang magpapabuti ng mga marka. Maghuhubog ito ng isang henerasyong marunong mag-isip nang malinaw.
