Papa Leo XIV, nanawagan sa mga mambabatas na Katoliko para sa makataong A.I.

Larawan mula sa NBC News

Sa patuloy na pag-unlad ng Artificial Intelligence (A.I.), hinikayat ni Pope Leo XIV ang mga mambabatas na Katoliko na bumuo ng mga batas na nagproprotekta sa karapatang pantao, dignidad ng tao, at pamilya mula sa mga posibleng panganib ng teknolohiya.

Ipinahayag ng papa ang kanyang mensahe sa ika-17 taunang pagpupulong ng International Catholic Legislators Network (I.C.L.N.) sa Vatican noong Agosto 21, na may temang “Human Dignity and Artificial Intelligence: Challenges, Chances, and Control.”

“A.I. must never be allowed to erode this primary cell of society — whether by reducing persons and relationships to data and simulations, by flooding young minds with content that distorts desire, or by economic models that make family life economically precarious,” paliwanag ni Pope Leo.

Binigyang-diin ni Pope Leo na ang pamilya ang “unang paaralan ng sangkatauhan,” kung saan unang natututuhan ng tao ang pagtitiwala, pagiging mapagbigay, pakikipag-usap, at pagmamahal.

Dahil dito, hinikayat niya ang mga mambabatas na magpatupad ng mga patakarang nagpapalakas sa kasal at pamilya, sumusuporta sa mga magulang sa pagpapalaki at edukasyon ng kanilang mga anak, at nagbibigay sa mga kabataan ng kumpiyansa sa kanilang kinabukasan.

Binigyang-diin din ng papa na hindi layunin ng batas na hadlangan ang inobasyon. Sa halip, dapat nitong gabayan ang pag-unlad ng teknolohiya habang pinoprotektahan ang mga karapatan at kalayaan ng tao.

Ayon sa kanya, kinakailangan ang matibay na batas, independiyenteng pagbabantay, mga gumagamit na may sapat na kaalaman, at isang sistemang pampolitika na hindi iniiwasan ang responsibilidad nito. 

Dinagdag nya na dapat ding protektahan ng mga batas ang mga gumagamit laban sa pang-aabuso, panatilihin ang privacy, tiyakin ang transparency sa paggamit ng mga bagong teknolohiya, at palakasin ang mga demokratikong institusyon.

Nagbabala rin si Pope Leo tungkol sa posibilidad na maging sanhi ang A.I. ng bagong uri ng teknolohikal na pagdepende, lalo na sa mahihirap na bansa na umaasa sa mas mayayamang bansa. 

Aniya, kailangang maging mapagmatyag upang hindi maging kasangkapan ng ideolohikal o pang-ekonomiyang dominasyon ang inobasyon.

Binigyang-pansin din niya ang panganib ng mga algorithm at digital platform na maaaring makaapekto sa kung sino ang napapansin ng publiko, kung paano nabubuo ang mga pampublikong diskurso, at kung paano tinatrato ang mga manggagawa.

Sa huli, iginiit ni Pope Leo na hindi kailangan ng mundo ng A.I. na nagpapababa sa halaga ng tao. Sa halip, dapat itong gabayan ng karunungan, konsensya, at malasakit upang magsilbi bilang kasangkapan para sa pangkaraniwang kabutihan sa halip na maging kapalit ng tao.

Leave a Reply

Discover more from The Marynette

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading