The International Criminal Court (I.C.C.) has given prosecutors permission to use a previously recorded statement from a witness in the murder and crimes against humanity trial of Former President Rodrigo Roa Duterte (F.P.R.R.D.). In a ruling released on Oct. 2, Trial Chamber III agreed to the prosecution’s request to submit the written testimony of a…
Anghel ng Diyos
Noong bata pa ako, akala ko na ang aking guardian angel ay isang kabalyerong may balat na bakal at pakpak na tumutubo sa likod.
O kaya naman, isa siya sa mga kerubin na nakapinta sa kisame ng mga katedral. Laging nakabantay sa akin, kasama ang kaniyang namumula’t malulusog na pisngi at halo na puno ng tsokolateng kulot. Anuman ang anyo, ganito ko siya inilalarawan: isang estatwa ng kagitingan, isang superhero na maaari kong kapitan kapag kailangan kong mahila palabas mula sa isang nasusunog na gusali.
Nakakahiya man aminin, ngunit dumating sa puntong nagagalit ako sa aking imbisibleng tagapagtanggol. Pilya at malikot akong bata noon, palaging napapadapa sa semento at may bagong pasa o gasgas sa mga tuhod pag-uwi. Minsan, nag-tambling ako sa kama at sumalubong ang ulo ko sa sahig. Tumatakbo ako nang malayo sa mga damuhan, at maya-maya’y gumugulong na ako sa basang lupa. Madalas, pinatutunayan ng aking mga nanginginig na binti na hindi talaga sila maaasahang sandalan.
Paslit pa lamang ako at palaging napapagalitan dahil sa aking kapabayaan, kaya kalimitan ay ibinubuhos ko ang sama ng loob ko sa aking anghel. Bakit hindi mo ako natulungan ngayon?
Marahil may iba siyang mas gustong bantayan. Siguro abala siya sa pag-aalaga sa lahat ng bata sa mundo maliban sa akin. Gayunpaman, patuloy kong dinadala sa puso ang mga panalanging humihingi ng kanyang patnubay, habang pikit ang mga mata at kandado ang mga palad, na para bang isa itong huling pakiusap. Pabaya man ako noon, may pag-iingat pa rin sa puso ko na mas nahahalata kapag ang kaligtasan ang unang kahilingang lumalabas sa bibig ko.
Dati, iniisip ko na ang tanging silbi ng aking guardian angel ay ilayo ako sa mga bagay na maaaring makasakit sa akin, gaya rin ng pagtingin ko sa kanya bilang isang kabalyerong kumikinang o isang mapagmatyag na kerubin.
Kaya habang lumalaki ako, lalo rin akong nagtampo sa lahat ng kalasag na aking ipinagdarasal ngunit hindi ko kailanman natanggap.
Sa edad na ito, ang mga pasa at sugat ko ay mas malalim na kaysa sa kayang likhain ng pagiging makulit ko noong pagkabata. Natuto akong masaktan sa ibang paraan. Sa pusong nabasag. Sa mga karamdaman. Sa mga taong nawala. Sa mga laban na kahit anong gawin mo, parang wala talagang paraan para manalo.
Mas lalong mahirap sa mga oras na ako’y nag-iisa, tila nahawa sa isang sakit na hindi ko kayang idaan sa gamot. Sa mga sandaling iyon, muling bumabalik ang mga dating panalangin ko—ngayo’y may luha na sa mga mata, ngunit pareho pa rin ang nakakandadong palad at ang desperasyong binubulong.
Sa mga sandaling iyon, gusto kong maging bata na lamang muli. Gusto kong bumalik sa panahong ang pinakamahapding sakit ay ang balat kong sumasalubong sa magaspang na kalsada.
Ngunit doon ko ring tunay na nakita at nakilala ang aking anghel.
Hindi pala siya ang force field o superhero na biglang susulpot para iligtas ako bago pa ako masaktan. Nakilala ko siya sa mainit na semento, bilang banayad na puwersang sumalo sa aking mga tuhod, sa halip na hayaan silang tuluyang mabasag. Nakilala ko siya sa kapal ng aking buhok, sa itim na helmet na yumakap sa aking ulo nang bumagsak ako sa sahig. Nakilala ko siya sa putik na bumalot sa aking balat, sa halip na hayaang ang lupa ang mag-iwan ng malalalim na sugat.
At higit sa lahat, nakilala ko siya sa puso kong patuloy na tumitibok. Nang kumalat ang mga piraso nito, natagpuan ko ang lakas ko upang pulutin ang bawat isa at buuin itong muli.
Ngayon, habang mas nagiging abala ang aking mga umaga at tila mas mabilis na lumilipas ang mga gabi, ang mga palad ko’y nagdidikit na lamang bago matulog. Pikit ang mga mata at unti-unting hinihila ng antok.
Madalas, hindi ko na natatapos ang mga pakiusap ko. Ngunit hindi na rin ako nag-aalala.
Sapagkat alam kong naroon na ang aking anghel sa aking mga panalangin, naghihintay bago ko pa man siya tawagin, dala ang lahat ng kalasag na hindi ko na nagawang hilingin, ngunit sa anumang paraan, patuloy ko pa ring natatanggap.
