Naiipong Tubig sa Labas, Naiipong Gawain sa Loob

Nakasanayan na ng bawat Pilipinong estudyante na matuwa kapag sila ay nakababasa ng balitang “Walang Pasok” tuwing tag-ulan. ‘Yung tipo na gabi pa lamang, ang bawat mag-aaral ay nakabukas na ang kanilang mga social media accounts at paulit-ulit na nire-refresh ang kanilang mga telepono habang nag-aabang ng anunsyo mula sa mga ahensya ng pamahalaan.

O kaya naman, may mga panahon na dahan-dahang gumagayak sa umaga, nagbabakasakali na magbaba pa ng anunsyo bago tuluyang makaalis ng bahay. Tila ito’y nagsisilbing isang araw na pahinga para sa mga estudyante habang dumaraan ang patuloy na pagpatak ng tubig mula sa langit.

Ngunit sa likod ng pansamantalang ginhawa mula sa bagyo o ulan, may panibagong bagyong paunti-unting nabubuo sa loob ng mga tahanan. Bukod sa tubig na naiipon sa mga kalsada, ito ay ang pagtambak ng mga gawaing pampaaralan.

Mula sa mga pag-upo sa mga upuan sa silid-aralan habang nagsusulat sa kuwaderno, ang mga estudyante ay ililipat sa asynchronous mode, online distance learning, o modular setups.

Sistemang maghapong nakaupo sa upuan, nagsusulat, at gumagawa ng mga aktibidad na ibinigay sa kanila upang masabing mayroon pa ring nagagawa sa kabila ng masamang panahon. O kaya naman, maghapong nakaharap sa kani-kanilang mga gadyet habang “nakikinig” sa kanilang mga guro.

Hindi totoong natitigil ang pag-aaral. Ito ay simpleng lumilipat lamang sa mga balikat ng mga mag-aaral upang tapusin ang kanilang mga gawain. Ang limang araw na nakatuon sana sa mga leksyong dapat ay natatalakay nang maayos, kasama ang guro, ay kadalasang pinagkakasya sa maikling oras o ilang araw na lamang.

Maaari ding sa bawat araw na suspendido ang mga klase, may tiyansa na bawat araw na iyon ay magbibigay ng mga gawain ang mga guro sa mga estudyante habang sila ay nasa kanilang mga tahanan. Ang resulta? Dalawang beses o doble ang kailangang kayod. Sa halip na magpahinga habang bumubuhos ang ulan, puyat, pagmamadali sa deadlines, at patuloy na paglipat ng puwesto sa kanilang mga tahanan upang makahanap lamang ng magandang signal.

Repleksyong nakabidyo, mga sanaysay, malikhaing mga poster, lahat ay kayang gawin ng isang estudyante na naghahabol ng oras, kahit man siya ay tubuan na ng pangatlo at pang-apat na kamay, maipasa lang ang mga gawain. Kahit na bumabaha na sa labas ng kanilang mga tahanan, nagtataas na ng mga gamit ang kanilang mga kasama sa bahay upang hindi mabasa ang mga ito, patuloy lang sa pagkayod. Marahil isang araw na pagliban, ang kapalit nito ay maraming asignaturang nalampasan.

Hindi kasalanan ng mga estudyante at guro na madalas bisitahin ng bagyo ang ating bansa. Ngunit ang paulit-ulit na sistema ng “pambawi” ay nagdudulot ng matinding burnout. Mas nagiging habol sa deadline ang edukasyon kaysa sa tunay na pagkatuto.

Nawawalan ng puwang ang pahinga dahil ang bawat araw na nawala sa kalendaryo ay katumbas ng doble-dobleng modyul at performance tasks na kailangang ipasa bago matapos ang markahan.

Hindi lang payong at bota ang kailangan ng estudyanteng Pilipino tuwing tag-ulan, kailangan din natin ng mas makatarungang sistema sa akademya. Ang totoong suspensyon ng klase ay dapat magbigay ng oras para maging ligtas, hindi iyong nag-iiwan ng bagyo ng mga gawaing pilit nating nilalabanan sa gitna ng nawawalang kuryente, signal, o mga sakunang nangyayari sa ating bansa.

Subalit, mahalaga rin ang patuloy na pagdaloy ng edukasyon, na hindi nagiging sagabal ang mga bagyo at baha sa pagkakatuto. Ang bagay na dapat lamang ikonsidera ay mas maging maunawain sa mga sitwasyon ng mga mag-aaral, marahil ang bawat isa ay may iba’t-ibang pinagdadaanan. Hindi maaaring sila ay sukatin sa iisang sukatan lamang. Ang bawat sitwasyon ng mga mag-aaral ay dapat laging isinasaalang-alang, may bagyo man o wala.

Leave a Reply

Discover more from The Marynette

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading