Banta sa Baha

Larawan mula sa World Vision Philippines

Sa pagragasa ng mga nagdaang bagyo, hindi lamang baha at pagkasira ang iniwan nito, kundi panganib na maaaring sumabay sa bawat lusong. Sa likod ng maruming tubig-baha, maaaring nakatago ang leptospirosis, isang sakit na mabilis kumalat at maaaring maging banta sa buhay kapag napabayaan.

Ang leptospirosis ay isang sakit dulot ng bacteria leptospira na mahahanap sa mga kontaminadong tubig at lupa na karaniwang ikinakalat ng mga daga. Nahahawa ang mga tao kapag pumapasok ang bacteria sa katawan sa pamamagitan ng mga sugat o ng mga parte ng katawan tulad ng mata, ilong, at bibig.

Sa pagdami ng mga kasong naitatala, nagtaguyod ng mga fast lanes ang Department of Health sa ilang apektadong rehiyon at ng inter-hospital referral networks upang pigilan ang pagsisiksikan ng mga pasyente sa isang ospital.

Nagpayo rin ang DOH Assistant Secretary Lester Tan na manghingi ang mga tao ng medical evaluation sa loob ng 24 – 48 na oras kapag sila’y lumusong sa baha nang may sugat o kung may nararamdamang sintomas.

Ito ay ipinayo upang mapigilan ang paglubha nito, dahil maaaring ang leptospirosis ay maging Weil’s Disease, isang mas malalang anyo ng leptospirosis. Kailangan agad na maospital ang tao upang sila’y magamot.

Ang ilang sintomas at epekto ng Weil’s Disease ay jaundice, kung saan dumidilaw ang balat at puti ng mga mata, kidney failure, liver damage, meningitis, at multi-organ failure.

Sa ganitong sitwasyon, dapat huwag tayong matakot humingi ng tulong upang tayo ay magamot. Maaaring maging kalabasan ng ating panghihinayang ang ating kamatayan.

Kung gayon, kapag may masamang nararamdaman, pumunta tayo agad sa ospital upang mapigilan ang komplikasyon at hospitalisasyon.

Sa bawat patak ng baha, manatiling alerto sa banta ng leptospirosis dahil ang pag-iingat ngayon ay maaaring maging sagip-buhay bukas.

Leave a Reply

Discover more from The Marynette

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading