STY Champi, Unti-unti nang Lumalapit sa PAR

Unti-unting lumalapit ang Super Typhoon Champi sa Philippine Area of Responsibility (PAR) habang pinapanatili ang kasalukuyan nitong lakas, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa inilabas na bulletin ng ahensya bandang alas-11 ng umaga noong Linggo, Oktubre 18, matatagpuan ang bagyo 2,090 kilometro silangan ng Timog-Silangang Luzon sa labas ng PAR, na may taglay na lakas ng hanging umaabot sa 185 kilometro kada oras (kph) at bugso ng hanging umaabot sa 230 kph.

Inaasahang mas lalakas pa ang bagyo bago ito bahagya’t hihina at pumasok sa PAR nitong Martes, Oktubre 20, kung ito’y matatagpuan 1,195 km Silangan ng Hilagang Luzon, na may taglay na lakas ng hanging umaabot sa 195 kph.

Pagpasok sa PAR, papangalanan ang bagyo bilang ‘Rosal’.

Bandang umaga ng Huwebes, Oktubre 22, ito’y hihina at bababa sa kategorya ng ‘Typhoon’, kung saan ito ay matatagpuan 525 km Silangan ng Basco, Batanes, na may taglay na lakas ng hanging umaabot sa 175 kph.

Ulan, pagkidlat-kulog, inaasahan sa iba’t ibang probinsya, rehiyon

Sa isang hiwalay na abiso, inaasahan ng PAGASA ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-kulog dulot ng Intertropical Convergence Zone (I.T.C.Z.) sa mga probinsya ng Zamboanga Peninsula, Basilan, Tawi-Tawi, at Palawan.

Paliwanag ng ahensya, ang I.T.C.Z. ay “ang lugar kung saan ang hangin ng Northern Hemisphere at Southern Hemisphere ay nagtatagpo na nagdudulot ng mga sama ng panahon tulad ng mga low-pressure area (L.P.A.) at bagyo.”

Inaasahan naman ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-kulog dulot ng Easterlies sa Quezon, Bicol Region, at Silangang Visayas.

Inaasahan ang bahagya’t maulap hanggang maulap na kalangitan na may hiwa-hiwalay na pag-ulan o pagkidlat-kulog sa Kalakhang Maynila at ang mga natitirang bahagi ng Luzon at Visayas dahil din sa Easterlies.

Para sa natitirang bahagi ng Mindanao, inaasahan ang  bahagya’t maulap hanggang maulap na kalangitan na may hiwa-hiwalay na pag-ulan o pagkidlat-kulog dahil sa localized thunderstorms.

Nagbabala ang PAGASA na mag-ingat sa mga posibleng pagbaha o pagguho ng lupa sa mga apektadong lugar.

Leave a Reply

Discover more from The Marynette

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading