When people talk about successful students, they usually mention grades first. It’s understandable because grades are easy to see and compare. But I’ve often wondered whether they really show the whole picture. A report card can show scores, but it can’t show how much effort a student put in, what challenges they faced, or what…
Tama Nga Bang Mahalin Kita?
Pag-ibig.
Isang salita ngunit kay raming kahulugan. Ito na marahil ang bagay na itinuturing na pinakamakapangyarihang damdaming maaaring maranasan ng isang nilalang. Bagay na kay sarap sa pakiramdam, yung tipong ikaw ay nilalamon ng alapaap, dinadala sa isang mundong ikaw lang at walang ukit ng pangamba.
Ngunit sa likod ng matatamis na kahulugang kaakibat nito, may mga pagkakataong ang pag-ibig ay hindi lamang tungkol sa saya ng pagkakaroon ng isang tao.
Hindi ko ninais na mahuli sa ganitong paghanga. Walang katiyakan ang aking puso kung kailan nagsimula ang lahat. Marahil, sa singkit na mata mong kapansin-pansin, sa mga ngiti mong abot-langit. O ‘di kaya’y sa mga bagay na hindi ko agad binigyang-pansin—mga salitang binitiwan mo habang nagtuturo, sa pagkakataong nagkakasalubong ang ating mga tingin, at sa iyong presensiya na hindi ko namalayang ugat na pala ng kakaibang saya sa aking karaniwang araw.
Sa paglipad ng araw, ang dati-rating simpleng paghanga ay nauwi sa damdaming mahirap ipaliwanag.
Subalit sa bawat paghanga, may mga katotohanang marapat na aking itatak sa isipan—mga hangganang hindi maaaring kalimutan, gaano man katotoo ang nararamdaman.
Hindi ko ikakaila. May mga saglit na aking iniisip kung ano kaya kung tayo ay nagkakilala sa ibang sitwasyon. Kung walang mga tungkulin kailangang panindigan at walang mga hangganan ang dapat na isaalang-alang.
Ngunit ang buhay ay hindi binubuo ng mga kung sakali. May mga realidad na kailangang yakapin, kahit hindi iyon ang nais ng puso.
Kaya’t lagi kong binabalik-balikan ang katanungang bumagabag sa akin.
Tama nga bang mahalin kita?
Mali nga bang humanga sa isang tao dahilan ng aking maaliwalas na pagngiti?
Marahil, hindi.
Hindi natin hawak ang palaging pagpili sa kung kanino tayo magkakaroon ng damdamin. Gayunpaman, may pagkakaiba ang pagkilala sa nararamdaman at pagsunod dito.
Dahil ang paghanga, hindi kinakailangang humantong sa isang relasyon upang magkaroon ng kahulugan, at ang isang damdamin ay hindi kinakailangang suklian upang maging makatotohanan.
At sa bawat pagsulyap sa iyo, na tila isang bulalakaw, unti-unti kong naunawaan na hindi lahat ng tao na magiging mahalaga sa atin ay nakalaan upang maging bahagi ng ating buhay sa paraang inaasam natin.
May mga nilalang na hinahangaan natin dahil sa kung sino sila, sa mga bagay na itinuturo nila, at sa mga damdaming hindi nila sinasadyang iwan sa ating pagkatao.
Ang pagpapahalaga sa isang tao ay maaari ding mangahulugan ng paggalang sa mga hanggang hindi maaaring tawirin kailanman.
Ang salitang pag-ibig ay tunay na maraming pakahulugan.
Maaaring magbunga ng saya, pananabik, at pag-asa. Maaari rin nitong ituro ang mapait na aral ng pagtanggap at pagpipigil.
At kung may isang bagay man akong natutunan sa paghanga sa iyo, iyon ay ang realidad na hindi lahat ng nais ng aking puso ay kailangang maging atin.
Kaya’t tama nga bang mahalin kita?
Marahil ay hindi ko pa alam ang tiyak na kasagutan. Ngunit batid kong maaari kong kilalanin ang aking sariling damdamin nang hindi ko kinalilimutan ang katotohanan.
At marahil, ang tunay na pag-ibig ay hindi laging nakatakdang matupad. May mga damdaming mananatili lamang sa atin, hindi para pagsisihan, kundi isang aral ng pag-unawa at pagtanggap hanggang sa pagitan ng nais ng damdamin at ng nararapat na gawin.
