The International Criminal Court (I.C.C.) has given prosecutors permission to use a previously recorded statement from a witness in the murder and crimes against humanity trial of Former President Rodrigo Roa Duterte (F.P.R.R.D.). In a ruling released on Oct. 2, Trial Chamber III agreed to the prosecution’s request to submit the written testimony of a…
Dulo ng Hangganan
May mga luha tayong tahimik na itinatago, mga bigat na palihim nating pasan araw-araw.
Kapag nagkakasabay ang mga suliranin, unti-unti tayong napapagod. Hindi maiiwasan ang pagkabalisa tungkol sa nakaraan at sa kinabukasan.
May mga gabing gising ang diwa. Naglalakbay ang isip sa hinaharap at hindi natin namamalayan na ang sandaling pahinga ay dahan-dahang lumalayo sa ating mga palad.
Sa walang tigil na pag-ikot ng mundo, may mga panahong sunod-sunod na bumabagsak ang bigat sa ating mga balikat. Natututo tayong mabuhay para na lamang makatawid sa isang araw, hindi na para mamuhay nang tunay.
Dahil dito, unti-unti tayong nauubos. Halos wala nang natitirang maibahagi sa mundo, at higit sa lahat, wala nang natitira para sa ating sarili.
Kalyo na ang mga palad at pagod na pagod ang puso. Sa kabigatan ng damdamin, tila naging ugali na nating itago ang tunay na nararamdaman. Tinitiis natin ang mga luha sa likod ng matang nananabik sa pahinga. Pilit nating ipinapakita sa iba na matatag tayo, kahit minsan ay nauupos na.
At kapag hindi na kayang magbuhat ng bigat ang ating mga kamay, tuluyan nang bubuhos ang sakit at luha, parang ulan na matagal nang kinikimkim ng mga ulap.
Kahit isipin nating nakatago sa mundo ang ating lungkot, hinding-hindi natin ito maitatago sa Diyos. Sapagkat siya ang nag-iisang nakasasaksi sa bigat na nililihim natin sa iba.
Kaya huwag nating takasan ang katotohanang tayo ay tao lamang—may hangganan, napapagod, nauubos, at minsan ay nanghihina.
Hindi masama ang magpahinga at huminto nang panandalian. Sa mga sandali ng pagsubok, kapag tayo ay nanghihina, kumapit tayo sa lakas ng Panginoon. Kumapit tayo sa mga handang sumabay sa ating paglalakbay at damhin ang bigat ng ating loob. At sa panahon ng biyaya at ligaya, huwag kalimutang pasalamatan ang nag-abot ng kamay noong tayo ay walang-wala.
