By Edilina Keithleen Barroga, Keith Candice Diño Marking the beginning of a month-long devotion, a program was held at the school quadrangle during the morning ceremony to officially launch the Month of the Holy Rosary. To start, the program began with a doxology led by the Salindayog Cultural Dance Troupe, setting a reverent tone for…
Sa bawat patak, may dalang bitak
Ulan ay tumila, problema ay pumila.
Sa panahong bumubuhos ang malakas na ulan, hindi lamang ang pagsilong ang problema ng mga Pilipino. Sa bawat pagpatak nito, may bitak na nabubunyag—ang suliraning matagal nang kinahaharap ng bayan: ang baha.
Kung sa iba, ang pagbaha ay isang panandaliang suliraning nawawala matapos lumipas ang ilang oras, para naman sa ating mga kapus-palad na kababayang Pilipino, isa itong matinding pangamba at paulit-ulit na problemang kanilang kinahaharap sa tuwing bumubuhos ang ulan.
Ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), kamakailan, nang tamaan ng tropical cyclones Luis at Maymay ang Luzon, iniulat na umabot sa kabuuang 1,339 na bahay ang napinsala dahil sa pagbaha o pagguho ng lupa.
Dahil dito, napilitan lumikas ang mga residente at manirahan muna sa mga evacuation center.
Para sa akin, sa pangyayaring ito nabubunyag ang tunay na suliraning matagal nang maingay ngunit hindi dinidinig ng gobyerno—ang hindi pagtuon sa paggawa ng mga proyektong makapipigil sa pagbaha.
Imbis na pagtuunan ng pansin ang problemang tunay na nakapipinsala sa mga tao ay mas nalalaanan pa ng gastos sa relief goods at evacuation centers, na pansamantalang solusyon lamang ang naibibigay.
Dahil hindi matatapos ang pagbibigay ng relief goods hangga’t hindi naisasayos ang drainage system na nagiging sanhi ng pagbaha sa isang bayan.
Ayon sa DC Merrett, nababawasan ng maayos na drainage ang pinsala sa mga kalsada, gusali, at iba pang imprastraktura, kaya nababawasan din ang gastos sa pagkukumpuni at pagpapanatili.
Sa aking pananaw, nakatutulong at may halaga rin ang pagbibigay ng relief goods. Gayunpaman, kung hindi pinagtutuunan ng pansin ang tunay na suliranin, patuloy lamang na mauulit ang paghihirap na nararanasan ng mga Pilipino sa tuwing sasapit ang tag-ulan.
Sa panahon ngayon, hindi na sapat ang nabigyan tayo ng panandaliang solusyon sa pangmatagalang problema. Karapatan nating dumikta at mangiit ng pagbabago at tunay na solusyon na wawakas sa suliraning lumulunod sa buhay ng mga Pilipino.
At hinihiling ko na sa bawat patak ng ulan, wala nang buhay na mabibitak.
