Mga minero, bumoses na isulong ang critical minerals framework

Ipinahayag ng Chamber of Mines Philippines (COMP) ang kanilang suporta sa pagtataguyod ng plano ng gobyerno na lumikha ng national critical minerals framework, upang lalong mapalago ang mining investments sa bansa.

Inilahad ng COMP na buo ang kanilang suporta sa Executive Order (E.O.) 122, na nagtatatag ng national policy framework para sa mga kritikal na mineral.

Ang E.O. 122 ay naghahangad ding mapatibay ang Mining Industry Coordinating Council (M.I.C.C.) sa pamamagitan ng pagbabagong-ayos at pagpapadali ng pag-apruba sa mga mining permits.

“Kinikilala ng E.O. 122 na ang mga kritikal na mineral ay mahalaga sa pambansang industriyalisasyon, seguridad sa enerhiya, katatagan ng ekonomiya, at global green resilience,” ani ng COMP.

Dagdag pa ng grupo, sinusuportahan nila ang pagbibigay-diin sa kauutusan sa katatagan ng polisiya, consistent na regulasyon, at pagiging tapat.

“Ang pag-secure ng pangmatagalang kapital para sa eksplorasyon, mine development, at mineral processing ay nangangailangan ng predictable environment na bumubuo ng investor confidence,” ani ng grupo.

Sinabi rin ng COMP na kailangang nakalinya ang paglago ng ekonomiya sa maayos na paggamit ng resources at pananagutan ng mga komunidad. 

Binibigyang-diin na binibigyang prayoridad ng E.O. ang karapatan, kapakanan, at kultura ng mga host communities at indigenous peoples.

“Mananatiling nakaangkla ang expansion ng industriya sa mataas na environmental, social, and governance standards, mahigpit na environmental management, at makabuluhang partnership sa mga komunidad,” sabi ng grupo. 

Pinuri rin nila ang pokus ng order sa koordinasyon ng iba’t ibang ahensya at sa digitalisasyon ng mga proseso. 

Binigyang-diin nito na ang pagpapasimple ng mga mining requirements ay makakatulong para maiwasan ang mga hindi kailangang delays habang pinapanatili ang mahahalagang safeguards, na makakatulong upang maging globally competitive ang Pilipinas bilang investment hub nang hindi isinasakripisyo ang environmental at social standards.

Sinabi ng COMP na handa itong makipagtulungan sa lahat ng stakeholders para ipatupad ang E.O. 122.

“Sa pamamagitan ng pagtutulungan, makakabuo tayo ng isang competitive, responsible, at sustainable na critical minerals sector na lilikha ng pangmatagalang halaga, magpoprotekta sa local ecosystems, at magtutulak ng inclusive national development,” dagdag nito.

Masamang dulot at Koneksiyon sa Pax Silica

Agad namang tumututol ang mga eksperto sa science at mga tagapagtaguyod ng kalikasan sa isinulong na E.O., dahil naglalaman ito ng mga probisyon na umano’y mas nagbibigay-priyoridad sa kita ng mga dayuhang kumpanya kaysa sa pangangalaga sa kalikasan at kabuhayan ng mga komunidad na apektado ng pagmimina. 

Mas malala pa, sinabi nila na maaaring makatulong ang mga polisiyang ito sa pag-usad ng planong U.S.-led Pax Silica hub sa New Clark City sa Tarlac, matapos lumagda ang Pilipinas noong Pebrero sa isang memorandum of understanding kasama ang Washington para sa pagkuha ng critical minerals.

Sumali ang Maynila sa humigit-kumulang isang dosenang bansa sa paglagda sa Pax Silica Declaration noong Abril. Pagsapit ng Hunyo, dumoble ang bilang ng mga bansang lumagda.

Ang proyekto ay itinuturing na isang “strategic initiative” para sa pagbuo ng supply chain hub para sa silicon, critical minerals, energy inputs, advanced manufacturing, semiconductors, at artificial intelligence (A.I.) infrastructure.

“Hindi kami tutol sa development. Tutol kami sa development na para lamang sa iilan, nag-aalis sa mga komunidad at kanilang kabuhayan, at walang saysay na sumisira sa kalikasan,” sinabi ni Cathleen De Guzman, national coordinator ng Kalikasan People’s Network for Environment, sa isang pahayag.

Dagdag niya, ang privatization clause ng E.O. ay isa pang hakbang na makikinabang ang mga korporasyon habang “pinupuno ang bulsa ng mga political elite at lalo pang sinasamantala ang ating kalikasan.”

Leave a Reply

Discover more from The Marynette

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading