The International Criminal Court (I.C.C.) has given prosecutors permission to use a previously recorded statement from a witness in the murder and crimes against humanity trial of Former President Rodrigo Roa Duterte (F.P.R.R.D.). In a ruling released on Oct. 2, Trial Chamber III agreed to the prosecution’s request to submit the written testimony of a…
Kapag Sumapit ang “Ber,” Siya’y Sumisilip
May mga bagay na hindi kinakailangang sambitin upang maalala ng isang Pilipino na malapit na ang Pasko.
Parol? Hindi pa kailangan.
Regalo? Masyado pang maaga.
Fruit Salad? Marahil ay sa susunod na buwan pa.
Ngunit isang bagay lamang ay sapat na—isang larawan.
Isang pamilyar na anino na nakasilip mula sa likod ng pader.
Si Jose Mari Chan.
Sa pagsapit ng unang araw ng Setyembre, unti-unting kumikindat-kindat ang mga Christmas lights, muling pinatutugtog ang saliw ng kaniyang mga awitin sa mga establisimyento at higit sa lahat, nagsisilabasan ang mga meme ng tinaguriang “King of Philippine Christmas Carols”.
Tila may sariling kalendaryo ang Pilipinas, at ang bungad ng pahina nito ay ang mukha ni Jose Mari Chan.
Sa mundo ng social media, wari’y may taunang ritwal ang kaniyang pagdating. Agosto pa lamang, dama na ang kaniyang pagsilip—isang hudyat ng paghihintay.
At sa pagpatak ng Setyembre, narito siyang muli.
Handang samahan ang mga Pilipino sa mahabang paglalakbay patungong kapaskuhan.
Ngunit higit pa sa isang internet meme ang kaniyang presensya.
Sa loob ng nagdaang mga taon, ang kaniyang mga awitin ay naging bahagi ng mismong tunog ng kapaskuhan sa Pilipinas.
Sa pasilyo ng mga mall, tindahan, at maging sa istasyon ng radyo, sapat nang marinig ang pamilyar na himig upang masilayan ang animo’y pagbukas ng pinto ng makulay na kapaskuhan.
At marahil, dito lumalalim ang kahulugan ng tinatawag na “Ber Months”.
Sa Pilipinas, hindi lamang Disyembre ang paghahanda. Setyembre pa lamang, nagsisimula na ang pag-iipon para sa mga regalo. Kasama rin ang pagpaplano ng mga salu-salo at ang paghihintay sa mga kapamilyang matagal nang nawalay sa kanilang tahanan.
Para sa ilan, ang “Ber Months” ay parang isang orasan— isang tanda na papalapit na namang muli ang panahon ng pagkikita at pagsasama-sama.
Ngunit papaano naman ang mga Pilipinong libo-libong milya ang layo sa kanilang pamilya?
Para sa mga Overseas Filipino Workers o OFWs, maaaring iba ang anyo ng kapaskuhan.
Walang pamilyar na sala o katabi, at walang kasiguraduhan kung sila’y makauuwi bago matapos ang taon.
Subalit kapag muling narinig ang himig ni Jose Mari Chan, tila muling lumalapit ang Pilipinas sa kanila.
Kaakibat ang mga alaala ng pamilya at kulturang kinagisnan.
Sa kabila ng distansya at mga sakripisyong katumbas ng pagtatrabaho sa ibang bansa, nananatiling buhay ang diwa ng Paskong Pilipino sa musikang dala nila saanman sila mapunta.
Sa isang bansang hindi nauubusan ng problema, bakit nga ba kailangan pang gawing biro ang pagdating ng Pasko?
Marahil likas sa mga Pilipino ang paghahanap ng kasiyahan kahit sa gitna ng pagod.Sa pamamagitan ng mga simpleng meme, nagiging mas magaan kahit sandali ang mga araw na puno ng suliranin.
At sa tuwing lumilitaw si Jose Mari Chan sa ating mga screen, tila sabay-sabay ding gumuguhit ang ngiti sa mga labi ng isang buong bansa.
Sa likod ng lahat ng memes, siya ang mang-aawit na naging bahagi ng kulturang kinagisnan. Ang kanyang musika ay naging higit pa sa isang biro. Ito ang mga sandaling pinagsasaluhan ng mga Pilipino—nasa Pilipinas man o nasa kabilang panig ng mundo.
Kaya’t marahil ay hindi lamang siya isang simpleng mang-aawit, isang Christmas icon o isang paboritong meme tuwing papatak ang Setyembre.
Maaaring lahat ng iyon.
Sapagkat sa tuwing siya ay lumilitaw, hindi na lamang meme ang nakikita.
Kaakibat na nito ang mga alaala, kantang matagal nang kabisado natin, mga taong nais makapiling, at mga munting pag-asang may magandang bagay na naghihintay.
Hindi pa kailangan ng parol. Hindi pa kailangan ng regalo. At marahil ay hindi pa talaga panahon ng fruit salad.
Isang larawan pa lamang ni Jose Mari Chan ay sapat na.
Sapagkat sa Pilipinas, bago pa man dumating ang kapaskuhan, nauna na siya.
