The International Criminal Court (I.C.C.) has given prosecutors permission to use a previously recorded statement from a witness in the murder and crimes against humanity trial of Former President Rodrigo Roa Duterte (F.P.R.R.D.). In a ruling released on Oct. 2, Trial Chamber III agreed to the prosecution’s request to submit the written testimony of a…
Hugis na Huwad
Isa sa mga unang natututuhan ng mga paslit ang pagpapares ng mga kulay o mga hugis. Noong ako ay musmos pa lamang, paborito ko ang ganitong uri ng laro. Hilig kong pagtularin ang iba’t ibang hugis sa pamamagitan ng pagsusuot ng mga ito sa akmang butas. Subalit aaminin ko, madalas kong ipinipilit ang parisukat, tatsulok, at bituin sa butas para sa bilog. Batid kong hindi ito tama, ngunit ang aking dahilan: “kasya naman.” Hindi ko inaasahan na dadalhin ko rin pala hanggang sa aking pagtanda ang kasanayang ito.
Sa aking palagay, ang bawat tao ay may katumbas na hugis. Dito nakasalalay ang kaniyang tunay na personalidad, katangian, at mga pangarap sa buhay. Madalas, dito rin nakabatay ang uri ng tao na kanilang kinabibilangan. May mga hugis na tila pinagbiyak, subalit mayroon ding magkaiba, ngunit halos sinukat para sa isa’t isa ang bawat sulok o kurba.
Unang tapak ko pa lamang noon sa paaralan, hindi ko na alam kung saang hugis ako nababagay. Hindi ako kasing-perpekto ng mga bilog, kasing-disiplinado ng mga parisukat, kasing-ningning ng mga bituin, at lalong hindi kasing-elegante ng mga diyamante. Hindi ko batid kung sino ako o kung kanino ako sasama. Tila walang lugar para sa hindi sigurado, kaya’t ginawa ko ang tanging alam ko—ang magpanggap at makibagay.
Gaya ng lagi kong ginagawa noon sa aking mga laruan, pinipilit ko ang aking sarili sa mga taong halos hindi ko katulad. Hindi alintana ang magkasalungat na interes, paniniwala, at ugali. Basta’t may kasama, puwede na.
Sa mundong lahat ng tao ay may binabagayan, nakatatakot ang mag-isa, kaya’t handa akong maging bilog, parisukat, tatsulok, diyamante, o kung ano pa, basta’t masabi ko lamang na hindi ako naiiba—na kasya ako sa anumang hugis na kailangan ng mundo.
Subalit kahit nakamit ko ang iba’t ibang anyo nang sabay-sabay, nawala naman ang tunay kong katauhan. Sa aking pagkahumaling sa pagiging katanggap-tanggap, hindi ko na makilala ang noon ay natatangi kong pagkatao. Kailangan bang maging estranghero ako sa sarili ko bago ako kilalanin ng mga tao? Hindi naman siguro kailangang maging huwad o sumama sa malaking grupo.
Sa huli, napagod na lamang akong ipagsiksikan ang sarili ko. Hindi ko naman pala kailangang maging kung sino-sino kung hindi naman ito ang tunay na ako. Siguro, sapat na sa akin ang mag-isa o ang makasama ang iilang piling tao. Basta’t tunay at komportable ako, hindi ko na kailangang magpanggap pa.
Nahanap ko rin ang angkop na lusutan para sa akin. Walang labis na sulok, walang maling kurba. Hindi ko na kailangang sabihin na “kasya naman,” sapagkat tanggap nito ang buong ako. Kahit hindi ko ipilit, batid kong nababagay ako. May kaibahan man minsan sa mga katangian, ngunit tila sinukat at bagay na bagay. Natutuhan ko rin na noon pa lamang, ang madalas ko nang sinusuwayin sa laro.
Mas pipiliin kong maging hugis na walang katulad, basta’t hindi ako huwad.
