The International Criminal Court (I.C.C.) has given prosecutors permission to use a previously recorded statement from a witness in the murder and crimes against humanity trial of Former President Rodrigo Roa Duterte (F.P.R.R.D.). In a ruling released on Oct. 2, Trial Chamber III agreed to the prosecution’s request to submit the written testimony of a…
Kaniya sa Kabila ng Pagkakasala
Sa ikaanim na araw ng paglikha, hinubog ng Panginoon ang tao ayon sa Kaniyang sariling anyo. Mula sa alabok, nabuhay si Adan. Batid ng Panginoon na hindi mabuting mag-isa ang tao, kaya’t mula sa tadyang ni Adan, nabuhay si Eba; ang laman ng kaniyang laman at buto ng kaniyang buto.
Binigyan ng Panginoon ng kapangyarihan ang dalawa upang pamunuan ang mga isda sa tubig, ibon sa himpapawid, at lahat ng hayop sa ibabaw ng lupa. Lahat ng halaman at punongkahoy ay sa kanila upang kainin ang bunga maliban sa isa: ang prutas mula sa puno ng kaalaman.
Subalit dumating ang ahas na pinakatuso sa lahat ng hayop na ginawa. Tinanong nito si Eba, “Totoo bang sinabi ng Diyos na huwag kayong kakain ng anumang bungangkahoy sa halamanan?” Sumagot si Eba na maaari nilang kainin ang lahat ng bunga sa halaman, maliban sa puno sa gitna ng hardin, sapagkat mamamatay sila. “Hindi totoo ‘yan!” sagot naman ng ahas.
Ayon sa kaniya, sinabi lamang ito ng Diyos sapagkat alam niyang kung kakainin ang bunga, ang mga tao ay magkakaroon ng pang-unawa sa mabuti at masama. Sila ay magiging parang Diyos.
At gayon nga, nadala ng tukso si Eba at kinain niya ang bunga. Higit pa rito, inaya niya si Adan na siya namang sumunod at kumain din. Nang dahil dito, nagkaroon sila ng pag-unawa at napag-alaman nila ang tama at mali. Isa na rito ang kaalamang sila ay hubo’t hubad. Nagtago sila sa Diyos, at sila nama’y pinarusahan dahil sa kanilang paglabag.
Batid ng lahat na ang pagkakasalang ito ang ugat ng hindi mabilang na mga pagkakasala sa kasaysayan. Sa bawat pagkakataong magbalik-loob sa Diyos, tila nauulit ang nakaraan at ang wakas ay pagkakasala pa rin. Tila wala ring silbi ang pag-alam kung ano ang tama at ano ang mali.
Tuwing iniisip ko ang katotohanang ito, ang tangi kong sinisisi ay ang kasakimang naninirahan sa loob ng bawat isa sa atin. Ang pagiging sakim ay hindi lamang sa materyal na gamit o yaman, kundi higit pa sa mga kayang hawakan ng kamay. Kasakiman sa kaalaman, pag-ibig, kapangyarihan, kasiyahan, at iba pa—lahat ng ito ay iisa lamang ang bunga: ang pagkakasala.
Araw-araw, tayo ay humaharap sa mga pagsubok kung tayo ba ay padadala sa sarili nating pagnanasa. Minsan, hindi na nga natin ito napapansin. Ang mga tao ay mga nilalang na madaling matukso. Subalit ganito man, ang Panginoon ay laging nagbibigay ng pagkakataon upang tayo ay bumawi at matuto.
Dahil sa kasakiman, nagkasala ang mundo. Dahil sa pagkakasalang ito, pinadala Niya ang Kaniyang natatanging anak upang tubusin tayo.
Sa mundong ginagalawan natin, hindi na imposible ang paggawa ng mga maling desisyon. Ngunit hindi sapat na dahilan ang pagiging tao upang gumawa tayo ng ‘di nararapat. Sa pagkagat sa prutas ng kaalaman, hindi lamang namulat na tayo’y hubo’t hubad, kundi napag-alaman din kung ano ang tama at ano ang mali. Hindi dapat tayong magbulag-bulagan at hayaang ang tukso o kasakiman ang manguna sa ating mga yapak.
Totoo na ang nakaraan natin ay puno ng pagkakasala, ngunit sana’y ‘di natin limutin kung kanino tayo nagmula at kung paano tayo nakarating sa kung nasaan tayo ngayon. Ngayong araw ng Linggo, tayo’y magbalik-tanaw, magdasal, magsisi, at magpasalamat sa Panginoon. May bahid man tayo ng pagkakasala, tanggap niya pa rin na tayo ay Kaniya.
