By Edilina Keithleen Barroga, Keith Candice Diño Marking the beginning of a month-long devotion, a program was held at the school quadrangle during the morning ceremony to officially launch the Month of the Holy Rosary. To start, the program began with a doxology led by the Salindayog Cultural Dance Troupe, setting a reverent tone for…
Isang Kamay, Maraming Boses
Photo via Engr. Imelda Martin
Isang teknolohiyang matalino, isang masigasig na aplikasyon — magkahawak-kamay para sa walang hangganang komunikasyon.
Magkasama. Binabago nila ang katahimikan tungo sa mga senyas — mga senyas na bumubuo sa magkakaibang paraan ng usapan at naghahatid ng tinig ng mga hindi nakaririnig. Ang nagsimula bilang ideya para sa isang kompetisyon ay ngayo’y naging tulay ng komunikasyon, patunay na kayang pag-isahin ng teknolohiya at ng mga makabagong ideya ng ating henerasyon na tila mga imbentor na ng mga himala ng kasalukuyan.
Ang VOICEGEST ay isang 3D-printed robotic hand na nilikha ng mga mag-aaral mula sa De La Salle Lipa (DLSL) para sa taunang kompetisyon sa robotics. Ito ay konektado sa isang aplikasyon na may kasamang voice recognition at preset buttons, na nagbibigay-daan sa kamay upang makagawa ng sign language — mula sa mga numero, letra, hanggang sa mga salita sa Filipino.
Ayon kay Engr. Imelda Martin, guro ng mga estudyante, madali lamang gamitin ang imbensyon: magsalita ka lamang at awtomatikong gagawa ng senyas ang kamay. Kung ikaw naman ay may kapansanan, maaari mong pindutin ang mga button na may nakatalagang letra sa mobile app upang makagawa ng parehong aksyon.
Dagdag pa niya, noong una ay inakala ng mga estudyante na ito ay laruan, ngunit kalaunan ay naunawaan nila ang tunay na layunin nito — ang sign language.
Ngunit ang VOICEGEST ay hindi lamang isang robotic hand, kundi sa mas malawak na pananaw ay isang kasangkapan para sa inklusibong pagkatuto na tumutulong punan ang puwang ng komunikasyon sa mga mag-aaral na may kapansanan sa pandinig at pagsasalita.
Pinagyayaman din nito ang karanasan sa edukasyon ng mga espesyal na mag-aaral, na ginagawang mas epektibo ang pagkatuto at pakikipag-ugnayan. Ito rin ay nagkakahalaga lamang ng humigit-kumulang 15,000 hanggang 20,000 piso — halos limang beses na mas mura kaysa sa mga komersyal na teknolohiya.
Nanalo ang proyekto na ito ng unang gantimpala. Ngunit higit pa sa tagumpay, plano pa nilang pahusayin ang aparato sa pamamagitan ng pagdaragdag ng mga bagong galaw, audio feedback, at mas malawak na bokabularyo — lahat ng ito ay may iisang layunin: tulungan ang mga tinig ng mga hindi naririnig.
Ang VOICEGEST ay walang dudang isang makabuluhang kagamitan na hindi lamang para sa imbensyon, kundi para sa aplikasyon sa realidad na may layunin.
