7.7 Magnitude Lindol sa Indonesia, Nagdulot ng Tsunami Warning

Ni Chloe Angelyn Alvarez, Keith Candice Diño

Isang malakas na 7.7-magnitude na lindol ang tumama sa karagatan malapit sa Flores Island sa silangang Indonesia nitong Sabado ng madaling-araw. 

Nagdulot ang lindol ng pangamba sa mga tao at napilitan ang ilan na lumikas mula sa kanilang mga tahanan matapos magbabala ang mga awtoridad na maaari itong magdulot ng mga alon ng tsunami.

Ayon sa United States Geological Survey (U.S.G.S.), ang episentro ng lindol ay naganap sa layong humigit-kumulang 68 kilometro sa hilagang-kanluran ng Ende, East Nusa Tenggara, Indonesia. Ang lindol ay malapit sa ibabaw ng lupa, kaya naging malakas ang pagyanig sa mga kalapit na lugar. 

Nasundan ito ng ilang aftershock o mga kasunod na pagyanig, kabilang ang isa na may lakas na 6.1 magnitude.

Nagbabala ang Meteorology, Climatology, and Geophysics Agency o Badan Meteorologi, Klimatologi, dan Geofisika (B.M.K.G.) ng Indonesia na maaaring magdulot ng tsunami ang lindol. 

Ayon sa babala ng B.M.K.G, ang mga alon ay may taas na 1.6 hanggang 9.8 feet.

Pinayuhan ang mga residente sa ilang bahagi ng East Nusa Tenggara, South Sulawesi, at West Nusa Tenggara na lumikas mula 2,400 kilometer palayo sa Flores Island. Maraming tao ang nagtungo sa mas mataas na lugar bilang pag-iingat sa posibleng tsunami.

Sa ilang lugar malapit sa dalampasigan, napansin ng mga tao na umuurong ang tubig-dagat palayo sa pampang. Ito’y isang babala ng posibleng tsunami. Kalaunan, nakapagtala ang mga awtoridad ng mga alon ng tsunami na may taas na humigit-kumulang 19 hanggang 30 sentimetro.

“Tsunami modelling results indicate that this earthquake has the potential to generate a tsunami in the provinces of East Nusa Tenggara, South Sulawesi, and West Nusa Tenggara,” ani B.M.K.G. earthquake and tsunami director Wijayanto.

Maraming gusali rin ang nasira dahil sa malakas na lindol. Ipinakita sa mga larawan mula sa mga apektadong lugar ang mga nasirang estruktura at mga taong nagtitipon sa mas ligtas na lugar. 

Sa isang panayam, ibinahagi ni Lukas Lotar ang kaniyang karanasan, “Patients also fled the hospital, the jolt was big. I saw some walls were cracked.”

Patuloy na sinusuri ng mga emergency worker at lokal na awtoridad ang sitwasyon at tinutulungan ang mga residente.

Nakararanas ang Indonesia ng maraming lindol dahil ito ay matatagpuan sa Pacific Ring of Fire, isang lugar sa paligid ng Karagatang Pasipiko kung saan madalas nagaganap ang mga lindol at pagputok ng mga bulkan. Nakaranas na rin ang bansa ng malalakas na lindol at tsunami noong nakaraan, kabilang ang nakapipinsalang Indian Ocean tsunami noong 2004.

Patuloy na minomonitor ng mga awtoridad ang Flores Island at mga kalapit na lugar para sa posibleng mga aftershock at tsunami. 

Pinayuhan na rin ang mga residente na sundin ang mga tagubilin sa kaligtasan at manatili sa ligtas na lugar hanggang ipahayag ng mga awtoridad na ligtas nang bumalik sa kanilang mga tahanan.

Leave a Reply

Discover more from The Marynette

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading