The International Criminal Court (I.C.C.) has given prosecutors permission to use a previously recorded statement from a witness in the murder and crimes against humanity trial of Former President Rodrigo Roa Duterte (F.P.R.R.D.). In a ruling released on Oct. 2, Trial Chamber III agreed to the prosecution’s request to submit the written testimony of a…
Payong sa Gitna ng Dilim
Sa daigdig na ito, walang maririnig kundi ang tanging himig ng ulan. Banayad, payapa, at mapag-aliw ang bawat patak nito. Nakalulungkot lamang kung paanong ang himig ng mga nanghaharanang patak ay palakas nang palakas, at sa pagdungaw sa labas ang dating lupa’y nagiging tila kayumanggi nang karagatan. Ang kaibig-ibig ay maituturing nang isang bangungot. Sa ilalim ng makulimlim na langit, malilimutan mo na ang pagsikat ng araw. Maiintindihan mo na ang ulan ay may taglay na kakaiba at malalim na katangian.
Tatanggapin mo ang ulan nang may payapang kalooban at hindi mo maiiwasang magalak. Naghahatid ito ng kakaibang kapayapaan, lalo na kapag may dala kang lungkot sa iyong kalooban. Tila binabago ng ulan ang bigat ng mundo.
Sa anong kadahilanan?
Ang ulan ay nagdudulot ng payapang damdamin, sapagkat sa marahang pagpatak ay nadarama ang katahimikan at pagninilay ng puso. Sa banayad niyang himig ay wari napapawi ang ligalig ng isip, at lalong nadarama ng tao ang mahinahong damdamin at kapayapaan ng kalooban.
Ang ulan ay tila…
Napahinto siya sa kaniyang pagsasalita hinggil sa panahon at humigpit ang kaniyang hawak sa payong na tigmak sa ulan. Unti-unting pumatak ang luha sa kaniyang mukha, at nababalot sa kalungkutan ang kaniyang mga mata. Waring may isang malungkot na alaala ang biglang bumalik sa kaniyang isip. Sa gitna ng marahang pagbuhos, muling nabuksan ang sugat na matagal nang nakatago sa kaniyang puso.
Napangiti siya nang bahagya, ngunit may lungkot sa kaniyang tawa. Sinikap niyang pakalmahin ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng malalim na paghinga, ngunit hindi niya mapigilan ang mga nalulungkot niyang nararamdaman.
“Ngayo’y naalala ko na ang dahilan ng aking labis na pagmamahal sa ulan…”
Pagkasambit niya ng mga salitang iyon, marahan niyang ipinikit ang kaniyang mga mata. Ang tunog ng ulan ay tila papalayo, at ang malamig na hangin ay nagdala sa kaniyang malungkot na alaala…
Muli niyang nasilayan sa maulang hapon ng kaniyang kabataan. Siya’y masayang naglalakad sa gitna ng ulan, may dalang payong at ilang dahon na nais niyang gamitin sa pagluluto ng paboritong pagkain ng kaniyang pamilya.
Habang marahan siyang umaawit, dama niya ang tuwa sa muling pag-uwi at sa pagsasama-sama ng kaniyang mga mahal sa buhay. Lalo pa siyang nasiyahan, sapagkat marami siyang kinita sa pagtitinda sa araw na iyon. Bagaman sila’y nagmula sa isang mahirap na pamilya, ang kanilang pagmamahalan ay hindi kailanman naglaho. Sa kanilang tahanan ay laging naroon ang katuwaan, pagkakaisa, at pagmamahal.
“Nanay! Tatay! May dala akong mga sangkap!”
Masigla niyang tinawag ang kaniyang mga magulang habang papalapit siya sa kanilang tahanan. Ngunit napansin niya na hindi karaniwang katahimikan ang nakapalibot dito. Ang bahay na dating puno ng tawanan at ingay ay ngayo’y walang buhay.
Nagtaka si Diserus. Marahan siyang lumapit sa pintuan at dahan-dahang itinulak ito.
Sa sandaling pagbukas ng pinto, nabitiwan niya ang mga dala niya. Napasigaw siya sa matinding takot.
Ang kaniyang pamilya…
Dugo ang natatanaw sa paligid. Ang kaniyang ina, ama, at mga kapatid ay nakahandusay nang walang buhay.
Hindi siya makagalaw. Nanigas siya sa kinatatayuan habang nakatitig sa harap niya, waring hindi matanggap ng kaniyang isip ang nasaksihan. Nanginginig siyang lumuhod at mahigpit na niyakap ang kaniyang pamilya.
Lalong lumakas ang buhos ng ulan at ang kulog sa kalangitan. Mukhang nakikiramay ang ulan sa kaniyang dalamhati at galit.
“Hindi… Hindi… ano… ano ang nangyari? Nanay… Tatay… patawad… patawad… wala ako rito upang ipagtanggol kayo…”
Patuloy siyang humagulgol habang mahigpit na niyakap ang kaniyang pamilya. Humalo sa ulan ang kaniyang mga luha, at sa gitna ng malakas na unos ay nadurog ang kaniyang puso sa sakit na hindi na kailanman maghihilom.
Sumigaw siya nang ubod-lakas, puno ng lungkot, galit, at lahat ng pait na naramdaman niya. Hindi siya makapaniwala sa kaniyang nasaksihan. Sa kaniyang murang isip, iisang bagay lamang ang umuukit sa kaniyang damdamin: isang demonyo ang may kagagawan nito. Nanginginig siya sa galit at dalamhati, ngunit wala siyang magawa sapagkat siya’y isang bata lamang.
Ang mga tinig ng kulog at patak ng ulan ay unti-unting lumabo sa pandinig niya.
Binuksan niya ang kaniyang mga mata.
Ang ulan ay lalo pang lumalakas. Sa sandaling iyon, naunawaan niya ang matagal nang bumabagabag sa kaniyang puso. Ang ulan ay salamin ng kaniyang damdamin, tahimik na saksi sa kaniyang lungkot, galit, at pag-iisa sa mundong kaniyang ginagalawan.
Marahan siyang naupo sa damuhan at minasdan ang mga patak ng ulan na tumatama sa kaniyang payong. Sa bawat pagpatak nito, naririnig ang mga tinig ng kaniyang pamilya na matagal nang nawala.
Nanatili siyang tahimik. Sa gitna ng walang tigil na pag-ulan, hinayaan niyang tangayin ng hangin ang kaniyang mga luha, sapagkat ang ulan lamang ang nananatiling kasama niya sa kaniyang pagkakaibigan.
