43 Ignacian Marians, Bumisita sa GMA Network Studios

Sa kabila ng malakas na ulan, nagtungo ang 43 Ignacian Marians sa GMA Network studios noong Agosto 14 para sa isang educational tour na nagbigay ng pagkakataong masilip ang mundo ng news production at broadcasting.

Sinamahan ang mga mag-aaral nina External Relations Coordinator Mr. Renan Geslani, Coordinator of Student Affairs Mrs. Alani Evangelista, at Campus Minister S. Ma. Falentina Kemba, RVM.

Layunin ng GMA Network Studios Tour na ipakilala sa mga mag-aaral ang iba’t ibang proseso ng television production at broadcasting, gayundin ang pagbibigay sa kanila ng pagkakataong matuto mula mismo sa mga media professional at makita kung ano ang nagaganap sa likod ng isang pambansang broadcasting network.

Dumating ang mga mag-aaral sa kanilang destinasyon bandang 12:30 ng tanghali at nakapasok sa studio bandang 2:00 ng hapon.

Pagdating nila, mainit silang sinalubong ni Gng. Unis Loleng, isang lead na miyembro ng GMA Corporate Affairs and Communications na namamahala sa media relations at internal events.

Ayon kay Gng. Loleng, may pitong studio ang GMA Network. Gayunpaman, may ilang bahagi ng network na hindi maaaring puntahan ng mga bisita dahil sa mga kasalukuyang live taping at iba pang production.

Sa entrance ng studio, makikita sa hallways ang mga nakasabit na picture frame ng mga Sparkle artists—mula sa mga artista at television host hanggang sa mga news reporter.

Sa ilalim ng paggabay ni Gng. Loleng, dinala ang mga mag-aaral sa Studio 3, kung saan matatagpuan ang ilang pasilidad para sa news production. 

Nagkaroon din sila ng pagkakataong makita ang silid kung saan nire-record ang morning program na Unang Hirit.

Ibinahagi naman ng mga personnel ng GMA Network ang proseso ng paggawa ng isang news report—mula sa paghahanap at pagbe-beripika ng impormasyon, pagsusulat ng balita, pagre-record, pag-e-edit, at iba pang yugto ng production.

Gayunpaman, kapag nagkaroon naman ng pagkakamali o maling interpretasyon sa isang balita, ipinaliwanag ng GMA personnel na inaako nila ang pananagutan sa pamamagitan ng paglalabas ng erratum—isang correction o pabatid na naglilinaw sa isang pagkakamaling nailathala o naipalabas na.

Binigyang-diin din nila na bihira lamang mangyari ang ganitong pagkakamali dahil ang bawat ulat ay dumaraan sa “layers of checking” bago ito mapalabas.

“Kunwari ako si reporter, kapag napasa ko na yung script ko, kay desk editor ko yung magpapasa ng script ko. So kapag okay na kay desk editor, tsaka niya ipapasa kay production. Si production meron siyang first layer of checking hanggang dumating siya sa final,” aniya. 

Ipinaliwanag din ng mga personnel na hindi layunin ng GMA Network na maunang magbalita kaysa sa ibang network. Sa halip, pangunahing layunin nito ang makapaghatid ng impormasyong tama at mapagkakatiwalaan.

Ignacian Marians, Saksi sa GMA News Production

Dinala rin ang mga mag-aaral sa isang hallway, kung saan may mga salaming bintana na nagbigay sa kanila ng pagkakataong makita ang mga news writer at producer habang nagtatrabaho.

Sa likod ng salamin, makikita ang mga empleyadong abala sa kani-kanilang laptop—may naghahanap ng balita, may nagsusulat ng iskrip, at may gumaganap ng iba’t ibang responsibilidad sa production. 

Nakita rin ng mga mag-aaral ang isang silid kung saan nagtatrabaho ang mga technical producers.

Sa isang panayam kay Gng. Unis, nang tanungin kung paano nila hinaharap ang mga hindi inaasahang problema habang naka-live broadcast, ibinahagi niya: “Actually, we’ve encountered several technical problems. For example, sa newscast…kapag ini-intro, may audio yung studio pero walang audio yung remote. We tried several times pero hindi talaga maayos kapag we have to go commercial to troubleshoot.”

“Noong hindi namin siya ma-troubleshoot, umabot kami sa punto na naglipat kami ng studio. So from Studio 5, nilipat namin si Atom [Araullo] dito [Studio 3],” dagdag niya.

Ibinahagi rin niya ang isa pang insidenteng nangyari sa Saksi, “Habang umeere, si Igan nagle-lead in siya ng story, tapos biglang namatay yung ilaw sa studio. I think it was a brownout, so ang ginawa namin, lahat ng ilaw namin ay pinasok namin sa studio,” aniya.

Hindi Inaasahang Pagkikita kay APL.DE.AP

Matapos sagutin ang mga tanong ng mga mag-aaral tungkol sa news reporting at production, dinala ang grupo sa GMA lobby upang hintayin ang pagdating ng Filipino rapper, singer, at record producer na si APL.DE.AP, na mas kilala bilang founding member ng hip-hop group na The Black Eyed Peas.

Ayon sa GMA News, nakipag-partner si APL.DE.AP sa GMA Music para sa worldwide distribution ng kaniyang paparating na three-track EP.

Nagkaroon din ng pagkakataon ang mga Ignacian Marians na makipag-high five, selfie, at ang ilan ay nakayakap pa sa artista.

Matapos ang memorable na pagkikita, ipinagpatuloy ng mga mag-aaral ang kanilang pag-iikot sa studio, mula sa mga pasilidad ng news production patungo sa broadcasting areas.

2 Ignacian Marians, Nakibahagi sa Livestream Broadcast

Bukod sa pagkakataong makilala ang mga news writer at media personnel ng GMA, napanood din ng mga mag-aaral ang ilang livestream broadcast gaya ng DZBB Super Radyo, Super Balita sa Hapon, at Forever Request.

Dalawang Ignacian Marians—Stacie Cantor at Aphum Corpus—ang nabigyan din ng pagkakataong maging bahagi ng isang kasalukuyang livestream broadcast.

Ibinahagi ni Bb. Cantor ang kaniyang naging karanasan, “Isa ako sa mapalad na nakasama at ikinagagalak ko ang aking karanasan sapagkat maganda ang daloy ng programa at maging ang karanasan sa aktibidad ng IgMa GMA Camp dahil muling sumiklab ang interes ko sa lipunang nagpapalabas ng mga programa gamit ang kanilang mga boses.”

Ibinahagi rin niya ang mga aral na natutuhan niya sa loob ng studio, “Namulat din ako sa buhay sa likod ng telebisyon. Nakita ko ang hirap, pagsisikap, at maging ang dedikasyon ng mga nagtatrabaho sa media. Nagbigay-inspirasyon ang karanasang ito upang mas pagbutihin ko bilang isang estudyante ang mga talentong ipinagkaloob sa akin ng Diyos.”

Samantala, inilarawan naman ni G. Corpus ang kaniyang karanasan bilang isang “unforgettable and meaningful experience.”

“At first, I felt chills running down my spine because I knew that many people were listening to me. While sitting on that chair, the thought of speaking live, without the chance to redo my words, actually challenged me to stay focused, confident, and composed,” aniya.

Sa isang panayam kay Mama Belle, hinikayat niya ang mga estudyanteng nais maging broadcaster na “go for it.”

Ibinahagi rin niya kung paano siya napunta sa broadcasting, “Actually, hindi ako interested noon eh.’ Actually, yung brother ko yung may gusto noon e’ tas naipasa sa akin. Pinilit niya lang akong mag-apply…so pinush ko pa rin dahil mahilig ako sa music.”

Silip sa Studio 7

Bilang huling bahagi ng tour, nagtungo ang mga mag-aaral sa Studio 7, kung saan kasalukuyang nire-record ang television program na “The People Have Spoken.”

Bukod sa pagkakita sa mga television personality na sina Heart Evangelista, Sean Lucas, Baus Rufo, Joy Barcoma, Janeena Chan, at Tim Yap, nagkaroon din ng pagkakataon ang mga mag-aaral na makita kung paano ginagawa ang mga pre-recorded program, makita ang personalidad ng mga artista sa likod ng kamera, at makita ang hitsura ng kabuuang setup ng isang television studio.

Nagbigay rin ng shout-out si Gng. Evangelista sa St. Mary’s College of Baliuag, Inc. habang isinasagawa ang recording, dahilan upang magsigawan sa tuwa ang mga Ignacian Marians.

Nagtapos ang tour bandang 5:00 ng hapon at nakabalik ang mga mag-aaral sa paaralan bandang 6:00 ng gabi.

Ignacian Marians, Ibinahagi ang Kanilang Karanasan

Samantala, ibinahagi ng mga Ignacian Marians ang kanilang mga natutuhan at naging karanasan sa isinagawang tour.

Inilarawan ni Ma. Flordanisa Torres, Editor-in-Chief ng The Marynette, ang kaniyang karanasan bilang “fun.”

“The facilitators from GMA Network made sure it was interactive and that they truly immersed us in their daily operations. As a journalist-writer and usually a film production staff myself, it’s enlightening to see how even just a few rooms we got to see in that tall building were already packed with dozens of GMA News staff, all working behind the screen. Truly, journalism or raising the truth takes a village,” aniya.

Samantala, ibinahagi ni Janine Kimberly Saez, Broadcasting Society President, na natutunan niya na “Teamwork is really an important factor for a program or show to work. Kasi I saw na there was a distribution of work, kumbaga may kani-kaniyang role to perform, and each of those roles has the same level of importance sa ganitong field of work kasi hindi sila magfu-function ng maayos if kulang-kulang,” 

“I would also like to add na it is normal to have difficulties, pero ang difference lang is kung paano niyo siya iha-handle. Even GMA Network enlightened us na there will be problems or an unplanned flow, pero with teamwork, parang everything will follow and still fall into place,” dagdag niya.

Ibinahagi rin ni Giel Brian Rayo, IgMa Marketing and Promotions Secretary, ang kaniyang natutuhan mula sa tour, “Natutunan at nalaman [ko] kung paano ang kanilang pang-araw-araw na kalakaran at produksyon ng iba’t ibang game show at balita,” aniya.

Samantala, ipinahayag ni G. Corpus, Broadcasting Society anchor, ang kaniyang pagpapahalaga sa mga miyembro ng organisasyon na kasama niya sa tour, “More than the tour itself, what made this experience truly special was sharing it with my fellow members of the Broadcasting Society. From the journey to the studio, the nervous moments before going on air, the laughter, conversations, and excitement we shared, every moment became a memory worth keeping. It reminded me that broadcasting is not only about the person behind the microphone or in front of the camera—it is also about the people who encourage, support, and grow alongside you.”

Ipinahayag din ni G. Corpus ang kaniyang pasasalamat sa paaralan at sa mga nag-organisa ng tour, “Above all, I would like to express my heartfelt gratitude to St. Mary’s College of Baliuag, Inc., especially to The IgMa Marketing & Promotions, for their effort and dedication in conducting this meaningful project—the GMA Network Studios Tour. I am truly grateful for the opportunity they gave us to experience what happens behind the scenes of a national broadcasting network and to step into an environment that we usually only see through a screen.”

“I would also like to sincerely thank Sister Ma. Falentina Kemba, RVM, and Mr. Renan Geslani for accompanying and guiding us from the very beginning until the end of the tour. Their presence made the entire journey feel more organized and comfortable,” dagdag niya.

Higit Pa sa Isang Studio Tour

Higit pa sa simpleng pagsilip sa mundo ng telebisyon, binigyan ng GMA Network Studios Tour ang mga Ignacian Marians ng pagkakataong maunawaan ang disiplina, teamwork, katumpakan, at dedikasyong kinakailangan sa broadcasting at journalism.

Mula sa pagsusulat at pagberipika ng balita hanggang sa live broadcasting at pagharap sa mga hindi inaasahang teknikal na problema, nasaksihan ng mga mag-aaral ang maraming tao at prosesong nagtutulungan upang makapaghatid ng bawat programang napapanood ng publiko.

Naging inspirasyon din ang karanasan para sa mga estudyanteng interesado sa journalism, broadcasting, at media production na higit pang paghusayin ang kanilang mga talento at ipagpatuloy ang kanilang mga pangarap sa larangang ito.

Sa kabuuan, ang GMA Studio Tours ay tunay ngang naging matagumpay sapagkat ito ay nakapagbigay ng impormasyon at nakapaghatid ng aliw sa mga mag-aaral.

Leave a Reply

Discover more from The Marynette

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading