64.7% ng retail transactions sa Pilipinas, naitalang digital; BSP, hinimok na palawakin

Litrato mula sa Manila Bulletin

Naiulat na 64.7 porsyento ng transaksyon sa pagbebenta ng panindang tingi o retail goods sa mga mamimili ay ipinroseso gamit ang digital payment, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (B.S.P.).

Dagdag pa nila na layon nilang mas mapalalim ang financial inclusion at hikayatin ang mas maraming Pilipino na makiisa sa formal financial system, kaya’t tinutulak nila ang mas malawak na paggamit ng electronic payments.

Sinabi naman  ni B.S.P. Governor Eli Remolona Jr. na katuwang nila ang industriya ng Pilipinas at ang gobyerno upang mas maging “accessible” ang digital payments at matulungan ang ekonomiya ng bansa.

“Marami sa paglaking ito ay dahil sa aming paggigiit sa interoperability, na tinitiyak na ang patuloy na dumaraming bilang ng mga negosyo at tagapagbigay ng serbisyo ay nasa iisang sistema,” ani Gov. Remolona Jr.

“Nagdadala ito ng mas maraming gumagamit, na nagpapatas sa halaga ng network para sa lahat ng kabilang dito, kabilang ang mga mamimili, negosyo, bangko, e-wallet, at iba pang platform,” dugtong niya.

Ayon naman kay  B.S.P. Deputy Governor Zeno Abenoja noong deliberasyon ng Development Budget Coordination Committee’s Budget sa House of Representatives, tumaas ang digital payments sa taong 2025 kumpara sa target ng bangko sentral na 50–54%.

Binigyang-diin ng B.S.P. ang paglaki ng digital payments magmula noong 2020, kung saan 20.1% lamang ang kabuuan nito, hanggang sa tumaas kada taon: 30.3% noong 2021, 42.1% noong 2022, 52.8% noong 2023, at umabot sa 57.4% noong 2024.

“Ipinakikita nito na tuloy-tuloy pa rin ang pagdami ng gumagamit ng digital payment sa bansa,” ani Gov. Abenoja. 

Ayon sa ulat na inilabas ng B.S.P., ang sanhi ng pagtaas na ito ay dahil sa pagtaas sa 69.4% na dami ng digital payment accounts, at 36.3% increase sa merchant locations o mga business outlets na tumatanggap ng electronic payment.

Gayundin, mas naging popular ang QR PH code transactions kaysa sa mga credit o debit cards noong 2025 sa unang pagkakataon.

Sinabi ni Dep. Gov. Abenoja na habang mas maraming tao, tindahan, at bangko ang sumasali sa iisang payment network, mas gumaganda at mas nagiging maayos ang buong sistema para sa lahat.

“Ang lumalawak na pagtanggap sa digital payments ay nagdudulot din ng tinatawag na network externalities. Nangangahulugan ito na ang halaga at kaginhawaan ng ating mga lokal na electronic payment channel ay tumataas habang mas maraming mamimili, mas maraming negosyo, at mas maraming institusyong pinansyal ang sumasali sa financial ecosystem na ito,” dugtong niya.

Inihayag din na ang access sa basic deposit accounts ay patuloy ring lumawak, na umabot ng 27.9 million nitong March, mula sa 27.6 million noong katapusan ng 2025 at 25.8 noong 2024.

Dagdag pa ni Dep. Gov. Abenoja, 177 na bangko na ang nagbibigay ng basic deposit account, para mas mapalawak din ang financial inclusion, na bahagi ng effort ng bangko sentral para sa mga mamamayan ng bansa.

Kinomenda rin ng B.S.P. ang mga bangko na nagbababa o nagtatanggal ng transfer fees, upang mas maging accessible at affordable sa mga household at maliliit na negosyo.

Leave a Reply

Discover more from The Marynette

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading