ICC kinondena ang bagong US sanctions laban sa pangulo, senior trial lawyer

Litrato mula sa Getty Images

Kinondena ng International Criminal Court (I.C.C.) noong Miyerkules, Agosto 19, ang bagong sanctions ng Estados Unidos (U.S.) laban sa pangulo nito na si Tomoko Akane at senior trial lawyer na si Abdoulaye Seye, at inilarawan ang hakbang bilang pag-atake sa kalayaan ng hukuman.

Ipinataw ng U.S. noong Martes, Agosto 18, ang sanctions kina Judge Akane, isang Japanese national, at G. Seye, isang Senegalese national. Saklaw ng mga ito ang pagyeyelo sa kanilang mga ari-arian na nasa ilalim ng hurisdiksiyon ng U.S. at paghadlang sa kanilang access sa sistemang pinansyal ng bansa.

Ayon sa administrasyon ni Pangulong Donald Trump ng U.S., direktang nakibahagi sina Judge Akane at G. Seye sa mga hakbang ng I.C.C. upang imbestigahan, arestuhin, ikulong o usigin ang mga opisyal na ang mga pamahalaan ay hindi sumang-ayon sa hurisdiksiyon ng hukuman. Kabilang sa tinutulan ng Washington ang mga kasong may kaugnayan sa mga opisyal ng Israel at Estados Unidos.

Iginiit ng I.C.C. na ang sanctions ay “a flagrant attack against the independence of an impartial judicial institution,” at nagbabala itong nakapagsasapanganib ang ganitong hakbang sa pandaigdigang kaayusang legal.

“When judicial actors are threatened for applying the law, it is the international legal order itself that is placed at risk,” pahayag ng hukuman, habang sinabi nitong ipagpapatuloy nito ang mandato nito nang may kalayaan at walang kinikilingan.

Samantala, dinepensahan ni Secretary of State Marco Rubio ang sanctions at tinawag ang I.C.C. na “a corrupt and fatally politicized supranational court that has maliciously abused its authority and exceeded its mandate.” 

Sinabi rin niyang bahagi ang hakbang ng patuloy na kampanya ng Washington laban sa hukuman.

Kabilang sa mga kasong naging sentro ng tensiyon sa pagitan ng U.S. at I.C.C. ang mga warrant of arrest laban sa Punong Ministro Benjamin Netanyahu at dating Kalihim ng Depensa Yoav Gallant ng Israel. Hindi miyembro ng Rome Statute ang U.S. at Israel, ngunit ipinagtatanggol ng I.C.C. ang hurisdiksiyon nito sa mga kasong saklaw ng batas nito.

Dahil sa pinakahuling sanctions, umabot na sa 13 opisyal ng I.C.C. ang pinatawan ng U.S. ng sanctions, kabilang ang siyam sa 18 hukom ng hukuman. Kabilang din sa mga nauna nang isinailalim sa sanctions ang dalawang deputy prosecutor, dating chief prosecutor at iba pang kawani ng Office of the Prosecutor.

Mariin ding tinutulan ng Japan ang bagong hakbang laban kay Judge Akane. Sinabi ni Toshihiro Kitamura, press secretary ng Ministry of Foreign Affairs ng Japan, na “The announced measures are very unfortunate.”

Iginiit ni G. Kitamura na patuloy na susuportahan ng Japan ang I.C.C. sa paghahabol ng pananagutan para sa pinakamalulubhang krimen at sa pagpapanatili ng rule of law sa international community. 

Sinabi rin niya, “Japan will remain committed to strengthening the rule of law in the international community, while maintaining communication with related countries.”

Nananatili rin ang suporta ng Netherlands sa I.C.C., na nakabase sa The Hague. 

Kinondena ng pamahalaan ng host country ang sanctions at muling ipinahayag ang suporta nito sa kakayahan ng hukuman na malayang gampanan ang mandato nito.

Bahagi ang bagong sanctions ng mas malawak na kampanya ng administrasyong Trump laban sa I.C.C. Kabilang dito ang pagtatangkang hikayatin ang 125 miyembrong estado ng hukuman na umalis dito, habang limang bansa na ang nagpahayag ng planong pag-alis sa nakalipas na taon, kabilang ang Venezuela at Chad.

Samantala, humaharap din sa legal challenge ang kampanya ng U.S. laban sa I.C.C. Nagsampa ang Human Rights Watch at tatlong iba pang organisasyon ng kaso upang kuwestiyunin ang mga hakbang ng administrasyong Trump laban sa hukuman, na sinabing nakaaapekto sa mga pagsisikap na panagutin ang mga sangkot sa malulubhang krimen.

Sa kabila ng tumitinding pressure mula sa Washington, iginiit ng I.C.C. na ipagpapatuloy nito ang mga imbestigasyon at paglilitis nito alinsunod sa Rome Statute at sa mandato nitong itaguyod ang pananagutan para sa mga pinakamalulubhang krimen na kinikilala ng international community.

Leave a Reply

Discover more from The Marynette

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading